
Ni NOEL ABUEL
Ihaharap ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga isyung nakakaapekto sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) na gaganapin sa Indonesia sa Lunes, Agosto 7.
“Among the key issues we want to address here include the protection and welfare of our OFWs,” ani Speaker Romualdez sa kanyang keynote speech sa pagtitipon ng Filipino community sa Jakarta noong Agosto 6.
Iginiit ni Romualdez na prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kaligtasan, kagalingan, at proteksyon ng mga OFWs na nagsasakripisyo at tumutulong sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
“Nagpasya po akong dumalo sa AIPA ngayong taon dahil marami tayong kailangang i-discuss sa mga kapwa ko mambabatas mula sa mga bansa sa ASEAN at BIMP-EAGA,” sabi ni Romualdez.
“Kasama po rito ang mga batas na kailangang ipasa naming lahat para mapalakas ang ating mga ekonomiya. Gusto rin nating makatulong ang mga batas na ipapasa para maging masigla ang mga negosyo at makapagbigay tayo ng mas maraming trabaho sa ating bansa,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Kinilala ni Romualdez ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga Pilipino sa Indonesia na nagtatrabaho doon bilang mga guro, executive ng kumpanya, consultant ng mga negosyo, enhinyero, accountant, abogado, at mamumuhunan.
Ipinangako ni Romualdez na susuportahan nito ang paglikha ng mga oportunidad sa Pilipinas para mas maraming mamumuhunan ang pumasok sa bansa.
Binanggit ng lider ng Kamara na siyang kinatawan ng Leyte ang pagpasa ng Public Service Act upang mabawasan ang mga limitasyon sa pamumuhunan ng mga dayuhan sa public services.
“Many of you are abroad working for multinational companies. Why don’t we open our economy to these multinational firms so you can have the choice of working for these companies in our country where you can still come home every day to your families,” sabi pa ni Romualdez, lider ng 312 miyembro ng Kamara.
“We are thinking every day of ways on how to serve you. All our energies are directed at how it (our work) will benefit the Filipino people because we are your representatives,” dagdag pa nito.
Nangako rin Romualdez na dadalhin sa 44th General Assembly ng AIPA ang mga hangarin ng mga Pilipino na nasa iba’t ibang bansa.
“I will bring with me all the cheers, kind intentions, and goodwill of the Filipinos who are present here today and from all over the world,” sabi pa nito.
Sinabi ni Romualdez na nagpasa rin ang Kamara ng mga batas upang matulungan ang mga OFWs.
Kasama umano dito ang Republic Act (RA) No. 11641 na siyang lumikha sa Department of Migrant Workers (DMW), at isang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng mga OFWs.
Naisabatas na rin umano ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 (RA 10364) at Anti-Mail Order Spouse Law (RA 10906) na naglalayong protektahan ang mga OFW laban sa trafficking at exploitation.
