10 infrastructure projects inilatag ng Caloocan City government

Sina Reps. Oca Malapitan at Mitch Cajayon-Uy, Senador Christopher”Bong” Go at Caloocan City Mayor Along Malapitan habang sabay-sabay na nagpala para sa pagtatayo ng infrastructure projects para sa lungsod.

Ni JOY MADELEINE

Inilatag ng lokal na pamahalaan ng Caloocan City ang 10 infrastructure projects ng lungsod sa unang linggo ng Agosto.

Personal na pinangasiwaan ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang paglulunsad ng iba’t ibang infrastructure projects ng pamahalaang lungsod ng Caloocan kabilang ang dalawang health centers sa Phase 3 at Phase 4 sa Bgy. Bagong Silang na na-turnover.

Gayundin ang groundbreaking ceremony ng isa pang health center, at inagurasyon ng bagong covered court at apat na street lighting projects sa Brgy. 175 at Bgy. 178.

Samantala, sinimulan na rin ang pagtatayo ng Super Health Center sa Brgy. 28 sa tulong ng city government at Department of Health (DOH) kasama si Senador Bong Go, at Reps. Oca Malapitan at Mitch Cajayon-Uy.

Malugod na tinanggap ni Mayor Along ang mga bagong proyektong imprastraktura bilang pagpapakita ng pangako ng pamahalaang lungsod na mapabuti ang buhay ng kanyang mga nasasakupan sa lahat ng aspeto.

“Makikita natin na hindi pare-pareho ang pakay ng mga naitayo o sisimulan pa lang na proyekto. Merong para sa kalusugan, kaligtasan, at kahit para sa paglilibang ng mga Batang Kankaloo dahil hangarin po natin na lahat ng larangan, kaya nating bigyang prayoridad,” pahayag pa nito.

Tiniyak din ng alkalde na ang kanyang administrasyon ay epektibo at agad na tutugon sa kasalukuyang mga alalahanin ng kanyang mga nasasakupan sa pamamagitan ng patuloy na paglikha ng higit pang mga programa at proyekto partikular na naglalayon para sa nasabing layunin.

“Hindi po tayo titigil sa infrastructure projects lamang. Asahan niyo po na mas marami pang proyekto at programa ang ilulusad ng pamahalaang lungsod upang tugunan ang mga suliranin na meron sa ating mga komunidad,” ayon kay Mayor Along.

“Layunin po ng aking administrasyon na ilapit ang mga serbisyo sa ating mga kababayan upang mas maramdamang ninyo ang mga solusyong binibigay natin, kaya naman narito po ang mga proyektong ito bilang sagot ng pamahalaang lungsod sa mga hinaing na ipinaalam niyo sa amin,” dagdag pa nito.

Leave a comment