3 Pinoy na biktima ng human trafficking nasagip sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Pinoy na hinihinalang biktima ng human trafficking.

Ayon sa ulat ng BI, pinigilan ng mga tauhan ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-Probes) ang pag-alis ng bansa ng nasabing mga biktima.

Nabatid na ang mga biktimang itinago ang pagkakakilanlan ay pawang 30-anyos at 40-anyos, na nagsabing mga turista at magtutungo sa Hong Kong sakay ng Cathay Pacific flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Sa inisyal na pagsisiyasat sa mga ito, sinabi ng mga biktima na empleyado ang mga ito ng construction industry sa bansa at magbabakasyon lamang ang mga ito sa Hong Kong.

Subalit sa patuloy na pagsisiyasat ng BI, umamin ang mga Pinoy na magtutungo sa bansang Ethiopia para magtrabaho.

Inamin din ng mga ito na inutusan ng kanilang recruiters na magkunwang turista at pinangakuan ng malaking sahod.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktima at tinutulungan na naghain ng kaso laban sa kanilang recruiter.

Leave a comment