
Ni NERIO AGUAS
Ipinagmalaki ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na makakaasa na ang mga residente ng lalawigan ng Pampanga ng proteksyon laban sa mga pag-ulan at pagbaha.
Ayon sa DPWH, ito ay makaraang makumpleto na ang apat na mga bagong slope protection structures sa nasabing lalawigan.
Sinabi ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, na base sa ulat ni DPWH Regional Office 3 Director Roseller A. Tolentino, ang mga makikinabang sa slope protection structures ay ang mga bayan ng Porac, Guagua, at Lubao sa Pampanga.
Nakumpleto sa pampang ng Pasig-Potrero River sa Barangay Manuali, Porac, Pampanga ay isang 310.31-lineal-meter slope protection na itinayo sa isang steel sheet pile foundation sa halagang P96.2 milyon na pinondohan sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay Bonoan, ang slope protection ay konektado sa dati nang natapos na 232.54-lineal-meter structure din sa Barangay Manuali para maiwasan ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga residential areas malapit sa Pasig-Potrero River na madalas naaapektuhan ng mabilis na daloy ng tubig dulot ng sobrang pag-ulan.
Sa Guagua, Pampanga, ang slope protection structure ay kapwa sa magkabilang bahagi ng Betis River sa Barangay Sta. Ines section na may sugat na 245.6 lineal meters na magbibigay ng proteksyon sa buhay at ari-arian.
Ang protective structure sa kahabaan ng Betis River ay makumpleto gamit ang P29.39 milyong pondo sa ilalim ng 2023 GAA.
Naihatid na rin ng DPWH sa pamamagitan ng Pampanga Second District Engineering Office (DEO) ang pagkumpleto ng dalawang (2) slope protection structures sa kahabaan ng Sapang Gumi sa Barangay Sta. Catalina at Patangue Creek sa Barangay San Antonio sa Lubao, Pampanga.
Ang 263.86-linear-meter Sapang Gumi Slope Protection Project, na nagkakahalaga ng P29.4 milyon at pinondohan ng 2023 GAA, ay itinayo sa kabilang bahagi ng iba pang slope protection works sa lugar.
Samantala, kasama sa Patangue Creek Slope Protection Project ang pagtatayo ng slope protection structures sa magkabilang gilid ng creek sa halagang P19.59 milyon na mula rin sa 2023 national budget.
