3 foreigners nasabat ng BI sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Tatlong dayuhan na kinabibilangan ng isang Vietnamese, Chinese at Cambodian nationals ang nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa magkahiwalay na pagkakataon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon sa BI, unang nasabat ang Vietnamese national na si Thi Linh Dien, 26-anyos noong Hulyo 16 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nang tangkaing umalis ng bansa sakay ng Philippine Airlines flight patungong Saigon.

Nabatid na nang dumaan sa immigration counters ang nasabing dayuhan ay lumabas ang pangalan nito sa BI derogatory database.

“She is considered as an illegal entrant, as her name has been in our blacklist since 2019. However, it seems that she entered the country last July 18,2023 without undergoing proper inspections,” ayon sa BI.

Sinasabing agad na ipa-deport pabalik ng kanyang bansa ang dayuhan at awtomatikong ilalagay sa blacklist order dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940.

Samantala, nasabat naman ang Chinese at Cambodian nationals na pawang wanted ng International police (Interpol) at may arrest warrants laban sa mga ito.

Kinilala ang Chinese national na si Guo Hui, 29-anyos, na naharang sa NAIA Terminal 3 nang dumating mula Kuala Lumpur, Malaysia.

Nabatid na si Guo ay nasa Interpol’s blue notice dahil sa pagiging wanted sa China kaugnay ng sinasabing illegal na pagbili ng credit card information.

Habang ang Cambodian national ay nakilalang si Su Fashui, 39-anyos, na naharang nang dumating sa NAIA Terminal 1 mula sa Phnom Penh. Cambodia.

Sinasabing si Su ay nasa Interpol red notice kung saan may arrest warrant na inilabas laban dito noong 2021 ng Huaiyuan county public security Bureau, Bengbu City sa Anhui province, China.

Wanted umano ito sa illegal na pagbubukas ng casino, na paglabag sa Chinese laws, at nahaharap ito ng pagkakakulong ng 10 taon.

Agad ding ipinatapon pabalik ng kanilang bansa ang dalawang dayuhan.

Leave a comment