Economic managers haharap sa Kamara sa paghimay sa 2024 national budget

Speaker Ferdinand Martin Romualdez

Ni NOEL ABUEL

Sisimulan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso  ang pormal na pagtalakay sa panukalang P5.678-trilyong national budget ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa susunod na taon.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, bukas, Agosto 10, ang paghimay sa pondo ng pamahalaan.

Unang sasalang sa deliberasyon ang economic team ng administrasyon na binubuo ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Kinabibilangan ito nina Department of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman, Department of Finance (DOF)  Secretary Benjamin Diokno, National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Arsenio Balisacan, at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Eli Remolona.

Inaasahan na ilalahad ng apat ng opisyal ang mga mambabatas sa estado ng ekonomiya ng bansa at ang macro-economic assumptions na pinagbatayan ng panukalang 2024 spending program.

Ayon kay Romualdez nais nilang malaman mula sa economic managers kung paano magtutuluy-tuloy ang paglago ng ekonomiya ng bansa at paano ito mararamdaman ng mga Pilipino.

“Sa paglago ng ating ekonomiya, dapat itong maramdaman ng ating mga kababayan, lalo na ang mga mahihirap sa usapin ng trabaho, kabuhayan at iba pang oportunidad at maging ang pagkakaroon ng pagkain sa lamesa. Sabi nga ng mga ekonomista, dapat maramdaman at makinabang ang lahat,” sabi ni Romualdez, pinuno ng 312 kongresista.

Ayon pa dito, hindi nararamdaman ng mga ordinaryong Pilipino ang benepisyo ng malakas na ekonomiya at tanging pinakikinabangan lamang umano ito ng mga mayayaman at malalaking kumpanya. 

“The poor say they cannot eat growth. If majority of our people do not feel our economic expansion, they should at least see it in terms of the proper use of the national budget for social services, infrastructure, education, health, and even direct financial assistance to the poor and other vulnerable sectors,” diin ng lider ng Kamara.

Sinabi pa ni Romualdez na nais ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na madagdagan ang pondo para sa mga serbisyo at pro-poor na programa.

Muli ring siniguro ni  Romualdez na bubusisiin ng Kamara ang pagpapatupad sa bagong lagdang Agrarian Emancipation Law at ang pondo na inilaan dito.

“The law is the hope of more than 600,000 farmers to get rid of over P5 billion in indebtedness that has been hobbling them for years. Now that the law has condoned such debt, we want our farmers to receive support in terms of new credit, inputs, farm equipment, technology, and other assistance so they can recover,” dagdag nito.

Sinabi ni Romualdez na ang mga benepisyaryo ng bagong batas ay nagsasaka ng mahigit 1 milyong lupang sakahan na karamihan ay tinataniman ng palay.

“We hope they can increase their yield and their income. We hope as well that they can contribute to our rice sufficiency and to stabilizing rice and food product prices,” sabi pa ng House Speaker.

Leave a comment