NCR, Visayas at Mindanao uulanin

Ni MJ SULLIVAN

Patuloy na makakaranas ng pag-ulan ang Metro Manila at iba pang bahagi ng Visayas at Mindanao bunsod ng epekto ng hanging habagat.

Sa inilabas na weather advisory ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), habagat at localized thunderstorms ang mararanasan ng MM at iba pang bahagi ng bansa.

Maaaring magdulot umano ng pagbaha at pagguho ng lupa ang nasabing mga pag-ulan na may kasamang pagkulog-pagkidlat.

Samantala, makakaranas din ng maulap at kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog ang Occidental Mindoro, hilagang bahagi ng Palawan, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-tawi.

Epekto ito ng habagat na maaaring magdulot ng pagbaha at landslides bunsod ng mahina hanggang sa malakas na pag-ulan.

Samantala, ang low pressure area na nasa labas ng Philippine area of responsibility at binabantayan ng PAGASA ay huling namataan sa layong 2,510 km silangan hilagang silangan ng dulong bahagi ng Northern Luzon.

Taglay nito ang malakas na hangin na nasa 95 km/h malapit sa gitna at pagbugso na 115 km/h at kumilos ng hilaga hilagang-kanluran sa bilis na 15 km/h.

Leave a comment