
Ni NOEL ABUEL
Ipinag-utos ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang panibagong kampanya para pababain ang presyo ng sibuyas sa merkado kasunod ng pagsubaybay sa mga ulat na aktibo na naman ang mga hoarders sa pagmamanipula ng presyo ng produktong agrikultura.
Binanggit nito na sa monitoring ng House Committee on Agriculture and Food ay lumalabas na ang presyo ng sibuyas sa merkado ay nagsisimula nang tumaas mula P90 hanggang P180 kada kilo.
“Nagsisimula na namang maging aktibo ang mga hoarders at price manipulators ng sibuyas. We will nip this problem in the bud. Hindi natin papayagan na pumalo ang presyo nito sa halagang di abot-kaya ng ordinaryong Pilipino,” giit ng lider ng Kamara.
“Akala yata ng mga hoarders at price manipulators na ito, hindi natin sila binabantayan. Sa pagkakataong ito, hindi nila tayo malulusutan. Pakikilusin natin ang lahat ng sangay ng gobyerno para maibalik sa dati ang presyo ng sibuyas,” dagdag pa ni Romualdez.
Inihayag ni Romualdez na hiniling nito sa mga opisyal ng Bureau of Plant and industry (BPI) na mag-ulat sa kanyang tanggapan upang maipaliwanag sa kanya at sa iba pang pinuno ng Kamara kung bakit nagagawang manipulahin ng mga hoarders ang presyo ng sibuyas.
Ipinaliwanag pa nito na naibenta na ng mga magsasaka ng sibuyas ang kanilang ani sa mga wholesalers, ngunit nananatiling kakaunti ang suplay na humantong sa pagtaas ng presyo ng sibuyas.
“Sa report na natanggap namin, naibenta na ng mga magsasaka ang harvest nila. Ibig sabihin, nasa cold storage na ang mga ito at pinipigil lang ang release sa market para mapataas ang presyo. Ito ang modus operandi na nadiskubre ng House Committee kung kaya napatigil natin ito noon,” pahayag ni Romualdez.
“Kung hindi nila ilalabas ang mga produkto nila, baka mapilitan ang gobyerno na mag-import ng sibuyas. Hindi naman maaapektuhan ang mga magsasaka dahil wala na sa kanila ang mga produkto nila. ‘Yung mga hoarders at price manipulators ang siguradong na malulugi kung may importation,” paliwanag pa ng kinatawan ng Leyte.
