Solon sa NEA: Kumilos vs electric coop

Rep. Faustino”Inno” Dy

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy kay National Electrification Administration (NEA) chief Antonio Almeda na itigil ang maling pamamahala sa mga electric cooperatives na ginawa ng mga tiwaling opisyales.

“Panahon na para tuldukan natin ang mga pang-aabuso ng ibang mga opisyales ng mga electric cooperatives natin. Panahon na para baguhin ang kanilang mga polisiya na mismong nagpapahirap sa mga kooperatiba at nagdudulot ng problema sa ating mga mamamayan,” sa privilege speech ni Dy.

Nagbabala ito na maliban kung mapaparusahan ang mga maling opisyal ng mga electric cooperatives, magpapatuloy ang kultura ng pang-aabuso.

“Dahil kung walang agarang pagresolba o pagdedesisyon sa iba’t ibang uri ng kaso o mga violations mula sa NEA at ERC, marami sa mga opisyales ng mga electric cooperatives natin ay patuloy na aabusuhin ang ating mga coop. Magpapatuloy ang mga anomalya. Magpapatuloy ang kawalan ng accountability,” babala ng mambabatas.

Si Dy ay nagpapahayag tungkol sa mga maanomalyang isyu sa mga electric cooperative ng Isabela, na naging paksa ng pagtatanong ng Kongreso mula noong nakaraang taon.

Sa imbestigasyon, ilan sa mga sinasabing paglabag ay ang Isabela Electric Cooperative-1 na nakakolekta ng P130 milyon sa service fees dahil sa late payment, na hindi inaprubahan ng Energy Regulatory Commission.

Ang ISELCO-1 na nagbayad ng P2 milyon kada buwan sa loob ng tatlong taon sa DC Tech company para sa information technology services na kailanman ay hindi naman nangyari.

Ang halos lahat ng proyekto ay ibinigay sa MN Electro Industrial Supply & Services sa kabila ng makailang beses na delays at pagkabigo na i-deliver ang proyekto.

At mula Hulyo 2022, ang ISELCO-1 ay hindi nakakolekta ng nasa P740 milyon sa consumer account receivables, gayundin ang P69 milyon na receivables unaccounted for.

Ibinawas rin ang suweldo ng mga empleyado ng electric cooperative mula P100-P500 na labag sa kanilang kalooban para sa kontribusyon sa ONE-EC MCO Foundation sa loob ng 4 na taon.

Sinabi ni Dy na plano nito kasama ng iba pang mambabatas, na magpatawag ng isa pang imbestigasyon sa nasabing foundation dahil sa pangamba na ang mga kontribusyon ay bahagi ng fundraising scheme para sa halalan.

Leave a comment