5 linggo taning ng Kamara para maipasa ang P5.768T 2024 budget

Speaker Ferdinand Martin Romualdez

Ni NOEL ABUEL

Binigyan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Kamara ng limang linggo para suriin at ipasa ang panukalang P5.768 trilyong national budget na may transparency at paggalang sa boses ng minorya.

Sa kanyang mensahe sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) briefing, siniguro ni Romualdez na babantayan ng Kamara ang bawat sentimo ng panukalang pambansang pondo.

Kumpiyansa si Romualdez na maipapasa ng Kamara ang panukalang 2024 budget sa takdang oras, na binanggit ang Department of Budget and Management na naisumite ito ng dalawampung araw nang mas maaga kaysa sa deadline na itinatakda ng Konstitusyon.

“Sisiguruhin natin na maipapasa natin ang 2024 general appropriations bill sa loob ng limang lingo lamang. Apat na linggo sa mga komite, at isang linggo sa plenaryo,” sabi ni Romualdez.

“I am confident that the House of Representatives will be able to deliberate and pass the national budget on time and transmit the same to the Senate. I can assure everyone that the House of Representatives will not take a break until and unless we have passed this very important legislation,” dagdag nito.

Apela ni Romualdez sa mga kapwa nito mambabatas na gawin ang lahat at aktibong makilahok sa budget deliberations sa loob ng 5 linggo.

“I call upon the members of this august body to actively participate in the budget deliberation, listen and respect everyone’s view, particularly the concerns of our colleagues from the minority, and reach a consensus that is beneficial to the country, especially the poor and marginalized among our people,” aniya

Iginiit ni Romualdez na tungkulin ng Kamara na suriin nang maayos ang panukalang 2024 pambansang badyet upang matiyak na masusustento nito ang mga natamo ng nakaraang taon at suportahan ang mga prayoridad na tinukoy sa ilalim ng eight-point socioeconomic agenda at ang Philippine development plan 2023-2028.

“The budget deliberations are a meticulous exercise that requires accuracy, objectivity, and most of all, transparency,” sabi ni Romualdez.

Ayon pa sa lider ng Kamara, kailangang masusing suriin ang panukalang badyet ng bawat departamento at ahensya, at pag-aralan ang bawat programa, aktibidad, at proyekto upang matiyak na ang mga mapagkukunan ay inilalaan at na-optimize sa tamang mga prayoridad.

“With utmost diligence, we will ensure that every centavo of the proposed P5.768 trillion budget will be judiciously spent. Obligasyon po natin na tiyakin na bawat sentimong buwis na ibinabayad ating mga kababayan ay magagamit nang tama at nararapat. Bawat sentimo nila, may serbisyong kapalit mula sa gobyerno,” pahayag pa nito.

Sinabi ni Romualdez na magsasagawa ang Kamara ng deliberasyon sa badyet na ganap na iniisip ang bigat ng obligasyon nitong panindigan ang tiwala at kumpiyansa ng mamamayang Pilipino.

“Together, let us be a champion of fiscal prudence, effective resource allocation, and transparent governance. Through our collective efforts, we will continue to uplift the lives of the Filipino people and pave the way for the Philippines with a brighter future,” ayon pa kay Romualdez.

Leave a comment