Bilang ng child laborers, bumaba noong 2022 –DOLE

Ni NERIO AGUAS

Iniulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) na bumaba ang bilang ng child laborers sa bansa noong 2022, kasabay sa pagpapaigting ng kampanya laban sa child labor ng ahensya.

Ayon sa Special Release on Working Children Situation na inilathala ng Philippine Statistics Authority noong Hulyo 25, 2023, 828,000 kabataan ang nasangkot sa child labor noong 2022, 56% ng 1.48 milyon batang nagtatrabaho.

Ito ay mas mababa kumpara sa bilang ng mga batang manggagawa noong 2021 na 935,000. Habang ang bilang ng mga batang nagtatrabaho noong 2022 ay mas mataas kaysa sa 1.37 milyong mga batang nagtatrabaho noong 2021, bumaba naman ang porsyento ng mga child laborer.

Sa ilalim ng umiiral nating batas, 15 ang pinakamababang edad na maaaring makapagtrabaho sa bansa.

Kaya, ang mga batang nasa 15 hanggang 18 taong gulang ay legal na pinapayagang magtrabaho sa kondisyon na hindi sila nakikibahagi sa child labor.

Ang child labor ay anumang trabaho o pang-ekonomiyang aktibidad na ipinapagawa sa isang bata na maituturing na pagsasamantala o nakakapinsala sa kanyang kalusugan at kaligtasan, pisikal, mental, o psychosocial na pag-unlad.

“Ang pagbaba ng bilang ng mga child laborer ay nagpapakita ng patuloy na suporta at pagsisikap ngnKagawaran at ng mga social partner nito na mapigilan at wakasan ang child labor sa bansa. Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin naaabot ang target nating zero child laborers na ating target sa ilalim ng Chapter 3 ng Philippine Development Plan 2023-2028,” pahayag ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma.

Tinukoy din na nangunguna pa rin ang sektor ng agrikultura sa may pinakamaraming bilang ng child laborer at ang Rehiyon 12 ang may pinakamataas na insidente ng child labor.

Bukod sa patuloy na pagsusulong ng mga kampanya laban sa child labor, inaprubahan ng NCACL, na pinamumunuan ng Philippine Program Against Child Labor (PPACL) Strategic Framework na sumasaklaw sa taong 2023-2028 noong Marso 2023.

Idinagdag ni Secretary Laguesma na ang DOLE, sa bahagi nito, ay patuloy na palalakasin ang Child Labor Prevention and Elimination Program, ang kontribusyon ng Kagawaran sa PPACL, sa pamamagitan ng paggamit ng estratehiko at panlahatang pamamaraan upang matugunan ang child labor lalo na ang mga nagtatrabaho sa mga mapanganib na kapaligiran.

Mula 2018 hanggang 2022, may 620,556 child laborer ang na-profile ng DOLE, 614,808 ang isinangguni para mabigyan ng mga kinakailangang serbisyo kung saan 138,460 child laborers ang nabigyan ng kinakailangang serbisyo.

Kabilang sa mga serbisyong ibinibigay sa mga child laborer ay tulong pang-edukasyon, medikal, legal, counseling, pagrehistro sa kanilang kapanganakan, at pagbibigay ng gamit pang-eskwela, hygiene kits, at food pack, bukod sa iba pa.

Nakatanggap din ang pamilya ng mga child laborers ng iba’t ibang serbisyo tulad ng tulong-pangkabuhayan, emergency employment, job placement/employment facilitation, skills training, tulong pinansiyal, medikal at pabahay; at isinama rin sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD.

Nakatulong ang mga serbisyong ito para maalis ang 148,331 kabataan mula sa child labor mula nang simulan ng DOLE ang profiling ng child laborer noong 2018.

Para sa 2023, binabantayan ng DOLE Regional Offices ang kalagayan ng mga profiled child laborers sa pamamagitan ng pagsasagawa ng field visit upang masubaybayan ang kanilang pag-unlad at mapadali ang pag-alis sa kanila mula sa child labor.

Leave a comment