Parusa sa foreign currency smuggling pasado na sa Kamara

Ni NOEL ABUEL

Inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang nagpaparusa sa sinumang sangkot sa foreign currency smuggling.

Sa botong 266, pinaboran ng mga kongresista ang House Bill no. 8200 o ang “Anti-Bulk Foreign Currency Smuggling Act,” na nagsasaad na sinumang tao na nagtatago sa pamamagitan ng pandaraya, sinasadya, misdeclaration o iba pang paraan ang halagang lampas sa $10,000 kapag dumating o umaalis sa anumang punto ng pagpasok sa Pilipinas ay mahaharap sa parusa at multa.

Nakasaad pa sa panukala na inaatasan ang Bureau of Customs (BoC) na manguna sa pagpapatupad ng probisyon ng HB 8200.

“The measure is aimed at preserving the integrity of the country’s monetary system. It also ensures that the Philippines will not be used as a transport point for money laundering. We will not allow our points of entry, like our ports and airports, to be used for any part of unlawful activities,” ayon kay Speaker Martin G. Romualdez.

Kasama rin sa principal authors ng panukala sina Albay Rep. Joey Sarte Salceda, AAMBIS-OWA party list Rep. Lex Anthony Cris Colada, OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, Parañaque Rep. Gus Tambunting, Anakalusugan party list Rep. Ray Reyes, ACT Teachers party list Rep. France Castro, at Zamboanga City Rep. Manuel Jose Dalipe.

Nakasaad pa sa panukala na upang maiwasan ang bulk foreign currency smuggling, ipinag-uutos ng HB 8200 ang pagpapatupad ng isang written o electronic declaration system ng physical cross-border transfer ng foreign currency at iba pang mga instrumento sa pananalapi na may denominasyong dayuhan sa loob at labas ng Pilipinas.

“If a person carries with him an amount that exceeds $10,000 or its equivalent in other currency, he or she has to make a written or electronic declaration form that contains the following: personal
information of the person transporting foreign currency; details of travel, including arrival or departure date; legal capacity in which the person filing the declaration is acting; information on the owner or sender, including that of the recipient, of the foreign currency; information on the foreign currency being transported; and additional information as may be required under the rules and regulations to be issued to implement this Act,” ayon sa panukala.

Tinutukoy ng panukala ang kriminal na pagkakasala ng maramihang pagpupuslit ng pera sa ibang bansa sa dalawang paraan: (1) kapag ang isang tao ay hindi nakarehistro sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang isang entidad na nakikibahagi sa bulk currency transports o paglilipat ng $200,000 papasok at palabas ng bansa; at (2) kapag ang isang tao ay umiwas sa deklarasyon ng pera gaya ng tinukoy sa ilalim ng panukala.

Kabilang dito ang pagtatago ng halagang lampas sa $10,000 sa mga damit na isinusuot ng tao, sa bagahe, paninda o iba pang mga lalagyan; hindi pagdedeklara ng walang kasamang dayuhang pera; paggawa ng maling deklarasyon na itinuturing na pandaraya gaya ng tinukoy sa panukalang batas; o pagbubuo ng physical cross-border transfer ng foreign currency o foreign currency-denominated bearer monetary instruments.

“Fraud refers to false declaration of foreign currency or bearer monetary instruments being transported with a discrepancy of more than thirty percent (30%) between the amount declared and the amount found by the Customs Officer after examination,” ayon pa sa panukala.

Sinumang taong mapatunayang nagkasala sa bulk foreign currency smuggling ay maaaring maparusahan ng pagkakulong ng hanggang 14 na taon at multa ng hanggang dalawang beses ang halaga ng smuggled foreign currency.

“Bulk foreign currency smuggling under Section 9 of this Act shall be a predicate offense to money laundering as defined in Republic Act No. 9160,” sabi pa ng HB 8200.

Pinapahintulutan din ng panukalang batas ang BoC na pansamantalang hawakan o kunin ang foreign currency o foreign currency-denominated bearer instruments sa mga taong maaaring pinaghihinalaan o makitang lumalabag sa mga probisyon ng panukala.

Leave a comment