PSA at BSP pagpapaliwanagin ng senador

Sa nabalam na National ID

Senador Francis “Chiz” Escudero

Ni NOEL ABUEL

Pagpapaliwanagin ng isang senador ang Philippine Statistics Authority (PSA) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung kailan nito maibibigay sa taumbayan ang National Identification Cards na matagal nang nababalam.

Ayon kay Senador Francis “Chiz” Escudero, ngayong 2024 budget, humihingi ang Malacañang ng P1.6 bilyon para mapabilis ang pagpapalabas ng National ID cards subalit uusisain aniya nito kung bilis ang gagawin ng PSA at BSP para maabot ang backlog nito.

Ang panukalang pondo ay nakapaloob sa P8.8 billion budget ng PSA sa 2024.

Sinabi ni Escudero na maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay binigyang-diin sa kanyang tradisyonal na Budget Message sa Kongreso bilang isang paraan para mapabilis ang pagpapalabas ng national ID card na ipinag-uutos ng batas na magkaroon ang bawat mamamayan.

“Officially called the Philippine Information System card, and popularly known by its shorthand, PhilID, its delivery has been hobbled by delays creating a backlog in the tens of millions,” sabi ng senador.

“But while the appropriations are with the PSA, the problem lies with the printer, which is the Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). For an agency which prints money and runs the mint, this delay to the people, more so that they are compelled to register and apply for it, is unacceptable,” pahayag ni Escudero.

Sa datos, sa 77.325 milyon na nagparehistro mula Hulyo 7, 2023, tanging 41.358 milyong plastic cards ang nai-print at naipamahagi kung saan 34.719 milyon ang natanggap lamang ng mga aplikante.

“’Yung 38.608 million printed lang sa papel. Habang 1.2 million ang dinownload na lang nila at sila na ang nag-print. In this age of A.I., the promised cards are being printed D-I-Y. Ang daming pangako nu’ng binabalangkas ang batas, at nang humihingi ng pondo,” ayon pa sa senador.

Sinabi ni Escudero na dahil sa mga pagkaantala, nawalan ng sigla ang mga tao na nagresulta sa pagbaba ng demand.

“Kaya naman halos 33 million pa ang hindi nagparehistro. ‘Yung targeted clientele mo mawawalan talaga ng gana,” sabi nito.

Sinabi ni Escudero na hihilingin nito sa PSA at sa BSP ang “mga quantifiable target” pagdating nila sa Senado para sa 2024 national budget hearings.

“Sa ngayon kasi, kung ang National Expenditure Program ang babasahin,
vague ang performance outcome so I would like them to present a clearer target,” ani Escudero.

“Una, sa Performance Information ng PSA. Ito ‘yung parte ng proposed budget ng isang ahensya na nakalista ang mga deliverables. The absence of data on PhilID is a great omission,” dagdag nito.

Sinabi ni Escudero na pagpapaliwangin nito ang PSA ang special provisions sa pondo nito upang magtakda ng timetable upang ganap na maitatag at ipatupad ang sistema, na hindi lalampas sa Disyembre 31, 2024.

“So wala na ba talaga ‘yung original na target na end of 2023, wrap up na ang proyekto?” tanong nito.

Nakasaad sa Republic Act 11055, na nabuo ang national ID system, na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 6, 2018.

“Panahon nang silipin kung ano nga ba ang iniunlad nito pagkalipas ng limang taon,” sabi pa ni Escudero.

Leave a comment