
Ni NOEL ABUEL
Ikinatuwa ni 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez ang suporta ng Department of Transportation (DOTr) sa legalisasyon ng motorcycle taxis bilang Public Utility Vehicles (PUV)at inaasahang mapapabilis nito ang pagsasabatas ng Motorcycle Taxi Bill.
“Pinatunayan na sa research ng mismong DOTr ang kawastuhan ng legalisasyon ng motorcycle taxis bilang PUV, at hudyat ito na dapat isabatas ang ating Motorcycle Taxi Bill sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Gutierrez, na naghain ng panukala.
Tinutukoy ni Gutierrez ang iprinisentang pag-aaral ng MC taxi Technical Working Group (TWG), na siyang pinamumunuan ng DOTr, sa pulong ng Committee on Transportation.
“According to their study, talagang may pinupunang pangangailangan ang ating mga motorcycle taxi, lalo na’t mayroon silang 99.99% safety rating,” ani Gutierrez.
Ibinalita ng Technical Working Group na bahagi ng plano ng DOTr ang legalisasyon ng motorcycle taxis bilang PUV, at inilatag din nila ang mga benepisyong makukuha ng mga riders mula sa Motorcycle Taxi Bill ng 1-Rider.
“Sa pamamagitan ng ating Motorcycle Taxi Bill, makakatanggap ang riders ng higit na suporta mula sa gobyerno sa porma ng fare setting, insurance and liability ng kumpanya kapag may aksidente, tax exemption at mga benepisyo mula sa SSS, Philhealth at Pag-ibig bilang kooperatiba,” dagdag ng kongresista.
Kasalukyang nasa Technical Working Group ang Motorcycle Taxi Bill na inihain nina Rep. Gutierrez at Rep. Bonifacio Bosita.
