
Ni NERIO AGUAS
Kalaboso ang isang US national na pinaghahanap ng US Armed Forces makaraang madakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI).
Kinilala ang nasabing dayuhan na si Johnmark Katipunan Tandoc, 32-anyos, sa kahabaan ng Roxas Boulevard noong Agosto 7.
Nabatid na nagsagawa ng operasyon ang BI matapos na humingi ng tulong ang US government para sa ikadarakip ni Tandoc sa bisa ng summary deportation order na inilabas ng BI dahil sa pagiging undesirable at undocumented alien.
Sa record, si Tandoc ay mayroong outstanding warrant of arrest na inilabas ng US dahil sa military desertion ng US Armed Forces, kung saan ito nagsilbing “Specialist”.
“The success of this operation is a testament to the strong partnership between our two nations in ensuring that fugitives are caught and made to face their crimes. We will continue to work closely with our international counterparts to address threats to security and uphold the law,” ayon sa BI.
Kasalukuyang nakadetine sa BI facility sa Bicutan, Taguig ang US national habang isinasaayos ang papeles para sa pagpapatapon dito pabalik ng US.
