
Ni NERIO AGUAS
Tinitiyak ng Bureau of Immigration (BI) na magpapatuloy ang isinasagawa nitong pag-iinspeksyon sa mga barkong nagsasagawa ng pagtatambak sa reclamation sites sa Manila Bay.
Ito ang sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco upang masiguro na sumusunod sa itinatakda ng immigration law ang mga dayuhan na kasamang nagsasagawa ng dredging sa Manila Bay at sinumang mapapatunayang lumalabag sa batas ay agad na kakasuhan at ipatatapon palabas ng bansa.
“We will be submitting a comprehensive report of our findings to the Secretary of Justice and will be penalizing any foreign national found to be working without proper documentation,” aniya.
Noong nakalipas na Biyernes nang simulan ng BI ang pag-iinspeksyon sa mga dredging vessels na matatagpuan sa reclamation sites sa Pasay City.
Kasamang nagsagawa ng inspeksyon ang Philippine Coast Guard, at mga tauhan ng BI’s Bay Service Section at Intelligence Division.
Kabilang sa mga ininspeksyon ang tatlong barko na MV Mao Hua na may 14 na Chinese nationals at 8 Filipino crew; ang MV Liang Long na may 17 Chinese nationals at 2 Filipino crew, at MV Jun Hai 5, na may 28 Chinese crew.
Una nang iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapatigil ng lahat ng reclamation activities sa Manila Bay bunsod ng naranasang malawakang pagbaha sa bansa.
