Reps. Romualdez at Acidre binuksan ang ika-80 Alagang Tingog Center sa Bohol

Sina Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre na sinalubong ng mga benepisyaryo ng Alagang Tingog Center sa lalawigan ng Bohol.

Ni NOEL ABUEL

Nadagdagan pa ang bilang ng mga itinayong Alagang Tingog Centers (ATC) sa bansa para mas maraming matulungang mahihirap na pamilya.

Personal na binuksan nina Tingog party list Reps. Yedda K. Romualdez at Jude A. Acidre ang apat pang ATCs sa lalawigan ng Bohol kung saan sa kasalukuyan ay nasa 80 ATCs na ang nakakalat sa buong bansa.

Ang nasabing ATCs ay matatagpuan sa mga munisipyo ng Ubay, Sierra Bullones, Balilihan at Tagbilaran.

Bukod sa pagbubukas ng ATC, pinangunahan din nina Romualdez at Acidre ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa 1,000 benepisyaryo mula sa bawat munisipalidad na nakatanggap ng tig-P5,000.00.

Labis ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa natanggap nilang tulong-pinansyal mula sa DSWD at Tingog party list na magagamit sa kanilang pang-araw-araw na pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamot.

Namahagi rin ang Tingog party list sa nasabing mga bayan ng grocery bags, refrigerator units at motorcycle na tinanggap ng masuwerteng indibiduwal.

Sa kanyang mensahe, tiniyak ni Acidre sa mga residente na ang perang natanggap ng mga ito ay simula pa lamang ng maraming tulong na ihahandog ng Tingog party list sa pamamagitan ng kanilang mga ATCs.

“Starting today, you will no longer find it difficult to look for Tingog party list’s office. If you need hospital, burial, transportation or educational assistance, our Alagang Tingog Center is here to aid you,” pahayag ni Acidre.

Pinasalamatan din ng kongresista ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Bohol sa pagpayag sa Tingog party list na maglagay ng kanilang ATC sa lalawigan.

Naging saksi din sa naturang aktibidad sina Bohol Governor Erico Aristotle Aumentado at Undersecretary Terence C. Calatrava ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas gayundin ng iba pang local government officials ng probinsya.

Leave a comment