
Ni NOEL ABUEL
Umapela ang isang senador sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pag-aralan ang mga gagawing estratehiya sa ipapatupad na flood control projects sa buong bansa.
“During the Senate Committee on Public Works hearing on the country’s flood control, masterplan and priority projects, una ko pong hiningi sa kanila ‘yung kanilang accomplishment report,” sabi ni Senador Christopher “Bong” Go.
“Kahit noong panahon pa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019, may pondo na po diyan na mga P82 billion, 2020 P80.7 billion… Kada taon may pondo pong inilaan sa flood control, ano na ho ba ang natapos nila at ano ho ba ang accomplishment report nila?,” giit nito.
Kinuwestiyon din ni Go ang pagbibigay-prayoridad sa mga flood control projects at mga lokasyon kung saan itinatayo ang mga ito.
“Ilagay ninyo po sa mga lugar na flood-prone areas. Pampanga, Bulacan, NCR (National Capital Region). Para proteksyunan ang tao. ‘Wag n’yong ilagay sa mga lugar na wala naman kayong pinoproteksyunan, wala namang tao,” aniya
Binigyan-diin ni Go noong Agosto 9, ang pangangailangan para sa pananagutan, strategic prioritization, at pangmatagalang solusyon upang matugunan ang mga paulit-ulit na problema sa mga lugar na madaling bahain sa panahon ng pagdinig ng Committee on Public Works sa flood control master plan ng bansa at mga natitirang proyekto.
“’Yun lang po sir ang tatlong hiningi ko: (1) accomplishment report, (2) copy of master plan at (3) prioritization dito sa mga flood control projects ninyo po na dapat po’y makinabang ‘yung mga lugar na dapat makinabang – ‘yung mga flood prone areas,” sa pag-uusisa nito kay DPWH Sec. Manuel Bonoan.
Iginiit pa ni Go na dapat na may pananagutan, transparency, at pagbibigay-priyoridad sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha ay naaayon sa mas malawak na pagsisikap na tulungan ang mga apektadong komunidad na makabangon at muling makabuo. Ang kanyang koponan ay patuloy na nagbibigay ng tulong sa mga apektadong komunidad sa Central at Northern Luzon.
“Malaking abala ang pagbaha para sa ating mga kababayan at malaki rin ang pinsalang dulot nito sa mga ari-arian at kabuhayan nila. Higit sa lahat, inilalagay nito sa alanganin ang buhay ng mga tao, kaya naman nararapat lamang na masolusyunan ito sa lalong madaling panahon,” apela pa ni Go.
