
HINDI pa man nawawala sa isip ng taumbayan ang eskandalong bumalot sa National Bureau of Investigation (NBI) kamakailan hinggil sa pagsayaw ng seksing babae sa kanilang ‘social party,’ ay panibagong isyu na naman ang kinakaharap ngayon ng naturang kagawaran.
Ayon sa ating source, isang alyas Andy at Ver ang umano’y mga kolektor ngayon ng illegal gambling sa Region 3 at Region 4a.
Ang Region 3 ay kumakatawan są Central Luzon at nasa ilalim nito ang pitong probinsiya ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales.
Ang Region 4a naman ay ang sumasakop sa CALABARZON o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon province.
Sa umpisa’y ayaw kong maniwala sa impormasyong ito.
Sa tagal natin nag-cover sa NBI bilang ‘photo-journalist,’ alam kong kapag binanggit ang NBI ay mga ‘high profile case’ ang kanilang ‘forte’ at pinagkakaabalahan.
Kahit sa panaginip ay hindi ko maisip na papatong sa illegal gambling ang NBI, lalo’t ang namamahala ngayon ay ang ‘soft spoken’ na si NBI Director Atty. Medardo de Lemos na sinasabi ring napakasuwerteng nilalang.
Ika ‘nga ấy suwerte na, buwenas pa!
Bakit ko nasabi ito?
Aba eh, isipin n’yo, retired na sana si Director De Lemos noong June 8 para sa ‘compulsory retirement’ sa edad na 65 ay ini-extend pa ito ni PBBM sa loob ng limang taon.
Sabagay, mabait naman si Atty. De Lemos at naniniwala tayong isa rin siyang ‘action man’ para aksiyunan ang sumbong laban kina Andy at Ver na kolektor sa illegal gambling.
Kapag hindi nabali ni De Lemos ang sungay nina Andy at Ver, malamang sa malamang ay puro ‘bukol’ sa ulo ang aabutin ng opisyal.
Para ring ‘reporter’ at pulis itong sina Andy at Ver.
May kanya-kanya silang ‘beat’ o ‘assignment.’
Si Andy ang nakatoka umano para sa koleksiyon ng lahat ng illegal sa Region 4a; samantalang si Ver naman ang responsable sa mga tongpats sa Region 3.
Hindi ko alam kung may basbas ba ni NBI-Region 4a chief Isaac Capreso ang galaw ni Andy.
Gayundin sa babaeng hepe ng NBI Region 3 na si Ma’am Rachel Martil dahil garapalan din ang pang-oorbit ni Ver.
Ang balita ko, laging nasa schooling si Ma’am Rachel kaya napagsasamantalahan siya ng loko-lokong Ver.
Kung hindi ito alam ni Director De Lemos, maganda ring tanungin ang magaling na NBI Deputy Director for Regional Services (DDROS) na si Assistant Director Angelito Magno.
Kasi, malaking kasiraan talaga ang kalokohan nina Andy at Ver.
Sa Region 4a, pangalan ng NBI ang sinisigaw ng mga illegal gambling operators na umano’y nagbibigay proteksiyon sa kanila. Dahil na rin iyan sa pagyayabang ni Andy na may kamag-anak din umanong opisyal sa naturang ahensiya.
Ilan sa mga iligalistang kinokotongan ni Andy ay sina Tose sa Cavite at Laguna, J Yap ng Cavite, Cesar ng Batangas at Eddie Kabayo ng Quezon.
Labas pa riyan ang illegal na Sabong Online nina Cholo na kahit nakabase sa Bulacan ay naghahasik ng lagim są Southern Tagalog.
Labas pa rito ang koleksiyon sa bookies, EZ2, tupada, color game, cara y cruz, sakla at kahit perya ni Aling Tessie.
Ganito rin kagarapal ang illegal gambling sa Region 3 dahil tuloy ang jueteng ni Mang Bong, gayundin ang illegal na e-sabong ng Sabong World Wide, bukod pa ang POGO operations sa Angeles.
Labas pa rito ang Paihi ni Bogs sa Bataan at siyempre mga beerhouse, nightclubs at sauna bath na front ng prostitusyon.
Malulula kayo sa monthly collection ng mga lokong ito.
Si Ver ay may P2 million monthly kotong mula sa Paihi sa Bataan; smuggling ng gasolina at gasul sa Subic; gayundin ang lahat ng sugal lupa at nightclubs sa Region 3.
Ito namang si Andy ay may P1.8 million monthly kotong sa tong pats!
Ngayon, balewala ang mahigit P170 million ‘intelligence fund’ ng NBI kung ang mga tulad lang nina Ver at Andy ang sisira sa kanila.
Baka po gusto mag-comment Nina Director De Lemos, AD Magno, Sir Capreso at Ma’am Martil, puwede po nating ilahad kung ano ang ‘take’ nila sa isyung ito.
****
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.
