Pagtatalaga ng PH sea lanes inihain sa Senado

Senador Win Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong itatag ang archipelagic sea lane sa bansa sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng China Coast Guard at Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea kasunod ng malisyosong maniobra kamakailan ng China Coast Guard kung saan gumamit pa ang mga ito ng water cannon laban sa mga sasakyang pandagat ng PCG habang ito’y nasa isang resupply mission.

“Mahalagang magpasa tayo ng batas na magtatalaga sa mga archipelagic sea lanes para sa pambansang seguridad at para maprotektahan ang interes ng bansa sa ekonomiya at kapaligiran, lalo na sa West Philippine Sea,” sabi ni Gatchalian sa kanyang inihaing Senate Bill 2395 o ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act.

“Kailangan nating siguruhin na mapoprotektahan ang seguridad at soberanya ng bansa kabilang ang kapakanan ng mga kababayan nating mangingisda na pumapalaot sa ating karagatan sa West Philippine Sea,” dagdag ng senador.

Ayon kay Gatchalian, inihanay na ng mga umiiral na batas ang archipelagic baseline system ng bansa sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na nilagdaan ng Pilipinas.

Bukod sa pagtatatag ng mga archipelagic sea lanes, ang panukala ay naglalayon din na protektahan ang ecological integrity ng bansa sa pamamagitan ng pagbabawal sa pangingisda, marine bioprospecting, pagsasamantala sa mga yamang dagat, hindi awtorisadong pananaliksik at pagsasagawa ng survey statistics, at pagtatapon ng mga basura at iba pang nakalalasong substance.

Sa sandaling maging batas, ang naturang panukala ay magbabawal sa mga dayuhang barko o sasakyang panghimpapawid na magsagawa ng hindi awtorisadong pananaliksik at survey activities, gayundin ang pangingisda, marine bioprospecting, loading at unloading ng mga indibidwal, mga bilihin, o pera.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang panukalang batas ay sumusuporta sa UNCLOS na kumikilala sa soberanya ng archipelagic waters at sa mga resources na nakapaloob dito.

Kamakailan lang ay pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na humihimok sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magsagawa ng aksyon para mabigyang pansin ng ibang mga bansa ang panggigipit ng China sa mga mangingisdang Pilipino sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Pinawalang bisa ng 2016 arbitral ruling ang pag-angkin ng China sa historic rights at resources na nasa loob ng nine-dash line nito.

Kinumpirma rin ng arbitral ruling ang paglabag ng China sa mga sovereign rights ng Pilipinas sa pinagtatalunang lugar gayundin ang mga obligasyon nito sa marine environmental protection sa ilalim ng UNCLOS.

Leave a comment