
Ni NOEL ABUEL
Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mabilis na aksyon ng Department of Agriculture (DA) upang makakuha ng suplay ng bigas mula sa mga bansang Vietnam at India.
Sinabi ni Romualdez na ang pag-angkat ng bigas ay makatutulong upang hindi tumaas ang presyo ng bigas sa bansa matapos ang pananalasa ng bagyong Egay at epekto ng habagat, at ang inaasahang epekto ng El Niño phenomenon.
“I commend the Department of Agriculture’s quick response to our efforts in securing a stable and affordable rice supply for our country. This is a significant step towards fulfilling our commitment to the Filipino to put food on their table at prices within their reach,” ayon sa lider ng Kamara.
Ang pinatutungkulan ni Romualdez ay ginawang pakikipag-usap ni DA Undersecretary Domingo Panganiban, batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga exporters ng Vietnam na nagbigay ng quotation na $30 hanggang $40 na mas mababa kumpara sa napag-usapang presyo sa pagpupulong sa Malacañang.
Maliban sa Vietnam, sinabi ni Panganiban na pinaplantsa na rin ang pag-angkat ng bigas sa India sa kabila ng inanunsyo nitong ban sa pag-export ng bigas.
Matatandaan na nasungkit ni Romualdez ang isang pangako mula kay Vuong Dinh Hue, pangulo ng National Assembly of Vietnam na magsu-supplay ang Vietnam ng bigas sa Pilipinas, sa isang bilateral meeting sa Indonesia kamakailan.
Sina Romualdez at Hue ay kapwa lumahok sa ika-44 AIPA (ASEAN Inter-Parliamentary Assembly) General Assembly sa Jakarta, Indonesia.
“With the current volatility in the price of rice in the world market amid projected supply constriction, the government must waste no time in exploring all available options to ensure adequate supply and reasonable price of our staple food, “ giit ni Speaker Romualdez.
Ayon sa Food and Agriculture Organization, ang presyo ng bigas noong Hulyo ay tumaas ng 2.8% at naging 129.7 puntos, ang pinakamataas sa loob ng halos 12 taon.
Nangyari ito matapos na ianunsyo ng India ang ipatutupad nitong rice export ban at hindi magandang panahon na nakakaapekto umano sa kanilang produksyon.
Sinabi ni Panganiban na ang pakikipag-negosasyon sa Vietnam at India ay inaasahang magreresulta sa paborableng presyo para sa 300,000 hanggang 500,000 metriko tonelada ng bigas na nais angkatin ng Pilipinas.
Sa gitna ng mga negosasyong ito, binigyan-diin ni Romualdez ang kahalagahan na maging transparent at bukas ang komunikasyon sa pagitan ng mga magkakaibigang bansa upang mas mapatibay ang relasyon ng mga ito.
“Open dialogue and cooperation are key to ensuring the success of this endeavor. I look forward to the positive outcomes that will arise from these talks, as we work together for mutually beneficial arrangements to achieve food security and stability,” dagdag pa ni Romualdez.
Ayon kay Romualdez ang pagtiyak ng suplay mula sa Vietnam ay makapipigil sa mga espekulasyon na magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng bigas na magpapataas sa presyo nito sa merkado.
Bilang sukli sa kagandahang loob ng Vietnam, sinabi ni Romualdez na handa ang Pilipinas na magbenta rito ng mga partikular na produkto na kailangan ng kanilang industriya at mga konsumer.
Nagkasundo rin sina Romualdez at Hue na palakasin pa ang kooperasyon ng Pilipinas at Vietnam para mas mapabuti ang supply chain sa pagitan ng mga ito gaya ng bentahan ng produktong agrikultural at construction materials gaya ng semento.
