2 Indian nationals na miyembro ng teroristang grupo pina-deport ng BI

Ni NERIO AGUAS

Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang matagumpay na pagpapatapon palabas ng bansa sa dalawang Indian nationals na pinaniniwalaang miyembro ng teroristang grupo.

Kinilala ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. ang mga ipina-deport pabalik ng kanilang bansa ang mga dayuhang sina Manpreet Singh Gill, 23-anyos at Mandeep Singh, 26-anyos, noong Agosto 13 sakay ng Thai Airways patungong New Delhi.

Bantay-sarado ng mga tauhan ng BI ang dalawang dayuhan bago ibinigay sa mga Indian authorities na nag-escort sa mga ito pabalik ng kanilang bansa.

Nabatid na si Manpreet ay pina-deport dahil sa pagiging undesirable alien matapos na matanggap ng BI ang impormasyon mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos na wanted ang una sa India dahil sa samu’t saring kaso kabilang ang kasong pagpatay sa India.

Nakatanggap din ang BI ng impormasyon mula sa gobyerno ng India na si Manpreet ay may warrant of arrest na inisyu ng Additional Chief Magistrate, Moga Punjab para sa paglabag sa India’s arms act.

Sa kabilang banda si Mandeep ay kinasuhan dahil sa pagkukubli sa isang takas na bilanggo at para sa paglabag sa mga kondisyon ng kanyang pananatili sa bansa.

Sa record ng BI, Marso 7 nang madakip ang nasabing mga dayuhan sa Iloilo City ng mga tauhan ng BI’s fugitive search unit (FSU), anti-terrorism group (ATG), ng Crime Investigation Coordinating Council (CICC), Philippine National Police (PNP) Iloilo City, at government intelligence agencies.

Isinasangkot din sina Manpreet at Mandeep sa terrorist activities sa Punjab, India kung saan una nang naipatapon ang dalawa pang kasama ng mga ito na sina Amrik Singh at Hayer Amritpal Singh, noong nakalipas na Mayo.

Leave a comment