Kooperasyon sa ibang bansa susi sa pag-angat ng ekonomiya, paglikha ng dagdag na trabaho — Speaker Romualdez

NI NOEL ABUEL

Naniniwala si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na ang pinalawak na ugnayan at kooperasyon ng Pilipinas sa mga karatig bansa nito sa rehiyon ang may malaking potensyal upang lalo pang mapalago ang ekonomiya at makalikha ng maraming mapapasukang trabaho sa bansa.

“We support initiatives for enhanced cooperation and partnerships with our neighboring countries as key to unlocking the enormous potential for mutual growth and development that would generate gainful work and livelihood opportunities for Filipinos,” ani Romualdez.

Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag kasunod ng mga ulat na nakapagtala ang bansa ng 4.5 porsiyentong unemployment rate noong Hunyo o katumbas ng 2.3 milyong Pilipino tumaas kumpara sa 4.3 porsiyento o 2.17 milyon na naitala noong Mayo.

Ngunit mas mababa ito sa naitala noong Hunyo 2022 na 6 porsiyentong unemployment rate, o bumaba ng 633,000.

Bilang lider ng delegasyon ng Pilipinas sa ika-44 AIPA (ASEAN Inter-Parliamentary Assembly) general assembly sa Indonesia, binigyang diin ni Romualdez ang kahalagahan na mapalakas ang ugnayan at pagtutulungan ng mga kasaping-bansa.

“Our parliamentarians are key to enhancing economic growth, financial stability, and social inclusion, and in addressing poverty and promoting institutional stability.  Legislative actions can facilitate access to markets, and improve resource allocation and regional productivity,” ayon pa kay Romualdez.

Inihalimbawa nito ang pagsusulong sa BIMP-EAGA Vision 2025, kung saan magbebenepisyo ang Pilipinas sa inaasahang pagdami ng turistang bumibisita sa bansa at magpaparami sa mga tourism-based job.

Noong 1994 binuo ang Brunei Darussalam–Indonesia–Malaysia–Philippines East ASEAN Growth Area, o BIMP-EAGA, na isang inisyatiba upang maghatid ng pag-unlad sa mga liblib at less develop na lugar sa apat na bansang kasapi.

“With our country’s diverse cultural and natural attractions, we stand to benefit from the realization of the BIMP-EAGA Vision 2025. Among others, this could help us attract more tourists from neighboring countries, leading to increased revenue in the tourism industry and providing jobs and livelihood to our people,” saad ni Speaker Romualdez.

May malaki rin aniya itong potensyal para magbukas ng trabaho sa sektor ng agrikultura. Bahagi ng BIMP-EAGA Vision 2025 ang pagsusulong sa sub-region bilang food basket sa ASEAN at iba pang bahagi ng Asya.

Upang maabot ito, itinutulak ang paggamit ng climate-resilient na pamamaraan ng produksyon at paglinang sa sub-regional supply at value chain ng mga pangunahing kalakal sa agrikultura at pangingisda.

Pagdating naman sa turismo, isa sa estratehiyang inilatag sa BIMP EAGA Vision 2025 ay ang pag-ugnayin ang mga tourism destination, pagsuporta sa green ecotourism sites at magtayo ng pangmatagalang tourism-based livelihood.

Tinukoy ni Romualdez na bagam’at nagsisimula nang bumangon ang turismo ng Pilipinas, matapos maitala ang 3 milyong international tourist arrivals mula Enero 1 hanggang Hulyo 19, 2023, o higit 500 porsiyentong mas mataas kaysa noong nakaraang taon, ay malayo pa rin aniya ito sa naitalang 8.2 milyong bumisita noong 2019.

Suportado rin aniya ng Kamara ang hakbang ng pamahalaan para palakasin ang imprastraktura at digitalization upang mapag-ugnay ang mga tourism destination at maisaayos ang traveler convenience.

Sa AIPA, itinulak ni Romualdez ang pagdaraos ng unang BIMP-EAGA Parliamentary Forum o BEPF sa  2024 sa Davao City upang maisama ang pagbuo ng mga polisiya sa mga usapin ng BIMP-EAGA.

Leave a comment