
NI NERIO AGUAS
Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na nasabat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 makaraang tangkaing magpalusot ng shabu at bala ng baril sa bahage nito.
Ayon sa BI, awtomatikong kakanselahin na ang visa ng dayuhang si Qian Qiang, 52-anyos, dahil sa paglabag sa batas ng Pilipinas.
Nabatid na si Qian ay nasabat sa NAIA Terminal 3 bago pa masakay ng China Southern flight patungong Guangzhou, China.
Sinasabing nang dumaan sa final security check ang dayuhan ay napansing ng mga tauhan ng Office of the Transportation Security (OTS) personnel ang mistulang bala ng baril sa loob ng suot nitong sapatos.
Nang buksan ito ay nakita ang dalawang 22LR ammunition rounds at isang plastic container na may bigat na 5 gramo na hinihinalang methamphetamine hydrochloride o mas kilalang shabu na may street value na P34,000.
Agad na nakipag-ugnayan ang OTS personnel sa NAIA Anti-Illegal Drugs Inter-Agency Task Group (AIDIATG) para sa pag-aresto kay Qian.
Sa record ng BI, si Qian ay may hawak ng valid 9(g) visa, at nagtatrabaho sa isang Philippine-based company at dahil sa paglabag nito sa batas ng Pilipinas ay sapat na para kanselahin ang visa nito.
“Foreign nationals who do not respect our laws do not deserve our country’s hospitality. We will initiate cancellation of his visa and deportation against Qian,” ayon sa BI.
