Suweldo ng top SSS executives noong 2022 nadoble mula 2021– COA

Ni NEIll ANTONIO

Lumabas sa 2022 audit report sa Social Security System (SSS) na umaabot sa P116.244 milyon ang suweldo ng mga top executives ng ahensya na higit sa doble o 101 porsiyentong mas mataas kumpara sa kabuuang P57.754 milyon noong 2021.

Ito ang nabunyag sa Notes to Financial Statements na inilabas noong nakaraang buwan ng Commission on Audit (COA).

Ang kopya ng nasabing ulat ay isinumite na kay SSS president at chief executive officer Rolando L. Macasaet noong Hunyo 30, 2023 at maaaring makita sa official website ng COA.

Ayon pa sa state auditors, ang mga itinuturing na “key management personnel” ng state pension fund para sa pribadong sektor ay ang pangulo at CEO, executive vice presidents, at senior vice presidents.

Sa breakdown ng kabuuang kompensasyon ay nagpakita na ang mga ito ay binayaran ng P79.559 milyon sa suweldo noong nakaraang taon na 147.38 porsiyento na mas mataas kumpara sa 2021 na halaga na P32.2 milyon.

Habang ang iba pang allowances at benepisyo ay tumaas ng 43.17 porsiyento kada taon mula P25.55 milyon ay naging P36.585 milyon.

Samantala, sa Personnel Services expenses ng SSS para sa 2022 ay umaabot ng P8.124 bilyon o P396.583 milyon na mas mataas kung ikukumpara sa P7.727 bilyon noong 2021.

Ayon sa COA, ang SSS ay pinahintulutan ng Governance Commission on GOCCs noong Hunyo 1, 2022 na ipatupad ang Compensation and Position Classification System alinsunod sa Republic Act No. 10149 at Executive Order No. 150, s 2021 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“The increase in personnel services was mainly due to the implementation of the CPCS effective October 5, 2021,” ayon pa sa audit team.

Ang iba pang contributory factors ay ang promosyon ng 353 empleyado noong 2022 kumpara sa 104 lamang noong 2021 at ang isang beses na pagtaas ng “Service Recognition Incentive” sa 100 porsiyento mula P10,000 hanggang P20,000.

Gayunpaman, pinuna ng COA ang SSS sa pagpapatuloy ng mga alokasyon para sa Medical Benefit Package para sa mga opisyal at empleyado nito sa kabila ng kawalan ng legal na batayan.

Sinabi ng mga state auditors na ito ay bumubuo ng karagdagang kompensasyon na hindi saklaw ng CPCS.

“The establishment of their own medical benefit package without the approval from the President of the Philippines, and its continuance despite the effectivity of EO No. 150, s. 2021, is in violation of the explicit provisions of the said EO,” ayon pa sa COA.

Sa panig naman ng SSS management, sinabi nitong hiningi nito ang pag-apruba ng Office of the President sa medical package continuance.

Leave a comment