Pagbuhay sa PH indigenous games, sports pasado na sa Kamara

Ni NOEL ABUEL

Inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang mapanatili ang katutubong o tradisyonal na mga laro at palakasan, tulad ng patintero at luksong-tinik, bilang buhay na pamana ng bansa.

Sa botong 275, ipinasa sa huli at ikatlong pagbasa ang House Bill (HB) No. 8466, na binibigyan-diin ang kahalagahan ng pangangalaga sa mayamang pamana ng kultura ng mga Filipino indigenous peoples (IPs) at pagtataguyod ng kahalagahan ng mga tradisyonal na laro sa pag-angat ng kapakanan ng mga Pilipino, lalo na ng mga kabataan.

“The indigenous games and sports of our country are a part of ourbidentity as Filipinos and as a nation,” ayon kay Speaker Ferdinand Martin G.bRomualdez.

“Hence, we must support legislations that will deepen our connection to our historical roots, while also promoting self-expression, peace, harmony, goodwill, and camaraderie, in line with our mandate under the Constitution and the United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples,” sabi pa ng kinatawan ng Leyte 1st district.

Ilan din sa principal authors ng nasabing panukala sina Reps. Marlyn Primicias-Agabas, PM Vargas, Gus Tumbunting, Faustino Michael CarlosbDy III, Lord Allan Velasco, Keith Micah Tan, Charisse Anne Hernandez,bRichard Gomez, Eric Buhain, Stella Luz Quimbo, at Manuel Jose Dalipe.

Sa ilalim ng Section 3 ng HB 8466, ang “indigenous games” bilang traditional sport and games ay nag-ugat sa tradisyon, kaugalian at sumasalamin sa mayamang pamana ng kultura ng iba’t ibang katutubong pamayanan ng kultura o mga katutubo, na ipinasa mula sa henerasyon hanggang sa henerasyon tulad ng bunong braso, ginnuyudan, hilahang lubid, kadang-kadang, karera sa sako, luksong-tinik, patintero, syato, at unggoy-unggoyan.

Kabilang din ang mga larong nilalaro ng mga katutubong komunidad, kadalasang sinasaliwan ng mga katutubong materyales at kagamitan, bilang pagtalima sa mga ritwal ng mga IPs, pagdiriwang ng mga cultural festivals, pagpapahayag ng pakikisalamuha, libangan, at kompetisyon.

Ang panukalang batas ay nag-uutos din sa Philippine Sports Commission (PSC),
sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Olympic Committee (POC), ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at sa local
government units (LGUs) na magsagawa ng annual regional at national indigenous sports competitions.

Inaatasan din ng panukalang batas ang NCIP at ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA), sa koordinasyon ng Department of Education, ng Commission on Higher Education, ng PSC, POC, LGUs, at ang Philippine Information Agency, upang simulan ang mga hakbang upang mapanatili ang mga katutubong laro sa bansa, tulad ng pagsasama ng mga katutubong laro bilang bahagi ng kurikulum at iba pang naaangkop na aktibidad ng paaralan sa basic at higher education system, at angbproduksyon ng dokumentaryo at iba pang materyales sa katutubong laro.

Sakaling maging batas ang HB 8466, ang mga katutubong laro ay isasama bilang regular na demonstration sports sa Palarong Pambansa at iba pang national sports events, at pagsasaliksik sa iba’t ibang sports at games, tradisyunal na nilalaro ng iba’t ibang grupo ng mga katutubo, sa konsultasyon sa mga ICC o IP, ay isasagawa upang matiyak ang kanilang pangangalaga at pagpapatuloy.

Leave a comment