
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano ang kahalagahan ng pagtiyak na tunay na sumasalamin ang 2024 national budget sa layunin ng pagbibigay ng pantay na pagkakataon para sa lahat ng Pilipino.
Sa ikalawang araw ng Senate briefing ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) sa panukalang P5.768 trilyong pambansang budget para sa 2024, ipinakita ni Cayetano ang kanyang suporta sa pagpapahusay ng sektor ng edukasyon sa bansa.
Binigyan-diin nito ang mahalagang papel ng isang malakas na sistema ng edukasyon bilang pundasyon ng pantay-pantay na mga oportunidad.
Sa pamamagitan aniya nito, mabubuksan ang daan para sa mas maraming Pilipino na magkaroon ng magandang trabaho at tiyak na kinabukasan.
“We all agree that when the education system becomes number one [in the budget priority], talagang gaganda ang buhay ng mga Pilipino. Much more opportunities will come,” sabi nito.
Binanggit ni Cayetano ang halimbawa ng Lungsod ng Taguig na nagbibigay ng prayoridad sa edukasyon.
“In Taguig, we have P800-900 million in scholarships and 88,000 scholars. Wala nang pinipili. Basta pagka-graduate mo, automatic may P15,000 ka. Kapag honor student, mayroon kang P10,000 more. If you are a priority school or course, you get P250,000. We used to have 20 students in UP Diliman, but now we have at least 700 at any point in time because they get P50,000, no questions asked,” ayon pa sa senador.
Itinuro ni Cayetano ang isang probisyon sa Konstitusyon na nag-uutos sa Estado na magtalaga ng pinakamataas na prayoridad sa budget sa edukasyon..
Aniya, kailangang tiyakin ng DBCC na ang budget sa edukasyon ay laging mananatiling mas mataas kaysa sa ibang mga departamento ng pamahalaan.
“Can we ensure na hindi siya mas mataas sa kabuuang tatlong education sectors – TESDA (Technical Education and Skills Development Authority), CHED (Commission on Higher Education), at Department of Education? Dahil ayaw nating kuwestyunin ang Bicameral Committee o hindi iboto o kuwestyunin sa Korte Suprema,” tanong ni Cayetano kay Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, na sumang-ayon naman sa kanya.
