
NI NERIO AGUAS
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang isang babae na umano’y human trafficker nang tangkaing ilusot ang limang human trafficking victims sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon sa BI, inaresto ang suspek na nakilalang si Mary Jane De Leon, noong Hulyo 30, nang masabat nang tangkaing umalis ng bansa kasama ang limang biktima na nagkunwang mga turista at magtutungo sa Malaysia at Singapore.
Nabatid na nang dumaan ang mga biktima at suspek sa immigration counter ay nagduda ang BI personnel kung kaya’t agad na inalerto ang ilang tauhan ng ahensya.
Nang sumailalim sa secondary inspection at inimbestigahan ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) kung saan dito ay inamim ng limang biktima na ni-recruit ang mga ito ng suspek para magtrabaho sa ibang bansa bilang massage therapists, entertainer, tutor, at caregiver.
Agad na dinala ng I-PROBES ang kaso sa IACAT at naghain ang National Bureau of Investigation – International Airport Investigation Division (NAIA-IAID) ng kaso laban sa suspek na Qualified Trafficking in Persons under Section 6 (c) ng Republic Act No. 9208, as amended, Illegal Recruitment committed by a syndicate and in large scale under Republic Act No. 8042, as amended, at Estafa under Art. 315, par. 2(a) ng Revised Penal Code.
Nabatid na ang nasabing recruiter ay una nang gumawa ng viral social media noong nakalipas na Mayo 10 nang magreklamo hinggil sa prosesong ipinatutupad ng BI para sa mga Filipino na nais mangibang bansa
Sa kanyang Facebook social media post, inireklamo ni De Leon ang pagpigil ng BI sa kanya kahit kumpleto umano ang dokumento nito.
Ayon sa BI, ang FB post ng suspek ay tinanggal na nito sa kanyang account subalit nakuha pa rin ito ng mga awtoridad.
“These human traffickers use social media as their playground, where they blatantly recruit victims and even have the audacity to air complaints about procedures protecting Filipinos. We thank the IACAT for swiftly acting on this case and ensuring that justice is served,” ayon sa BI.
