Contingency plan kailangan sa supply at mababang presyo ng bigas — solon

Senador Sherwin Gatchalian

NI NOEL ABUEL

Umapela si Senador Win Gatchalian sa gobyerno na bumuo ng isang komprehensibong contingency plan upang matiyak ang sapat na supply ng bigas at kontrahin ang pagtaas ng presyo nito.

Ginawa ni Gatchalian ang panawagan sa nagdaang Senate briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ukol sa 2024 national budget.

“Dapat tingnan nang maigi ng gobyerno ang sitwasyon dahil hindi lang ito makakaapekto sa inflation kundi pati sa pagkain ng ating mga kababayan,” sabi ni Gatchalian.

Binanggit ng senador ang kamakailang anunsyo ng India na pinapahinto na muna ang pag-export nila ng bigas, na maaaring lalong makaapekto sa supply ng bigas sa Pilipinas.

Binigyan-diin ni Gatchalian na kailangan ng gobyerno na bumuo ng isang contingency plan upang mapigil ang potensyal na paghigpit sa supply pati na rin ang pagtaas ng presyo, na maaaring magpataas pa lalo ng inflation.

“Pakisumite sa amin ang isang contingency plan ng gobyerno dahil talagang nag-aalala ako na ang export ban na ito mula sa ibang mga bansa ay makakaapekto sa atin hindi lamang sa supply ng bigas kundi pati na rin sa presyuhan sa merkado,” sabi ni Gatchalian sa mga miyembro ng economic team sa nagdaang pagdinig ng Senado.

Nais ding malaman ni Gatchalian kung nakakuha na ang gobyerno ng sapat na supply ng bigas para sa  short and medium term kasunod ng pagkagambala ng supply sa pandaigdigang merkado.

Sinabi pa ng senador na dapat ding isama sa contingency plan ng gobyerno ang mga programa para sugpuin ang epekto ng mga bagyo at ng El Nino phenomenon.

Ang pagtaas ng presyo ng bigas sa lokal na pamilihan ay nag-udyok kay Pangulong Marcos na maglabas ng babala na hahabulin ng gobyerno ang mga hoarder at price manipulators.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa P48.00 hanggang P50.00 kada kilo ang presyo ng bigas ngayon sa merkado.

Leave a comment