
NI JOY MADELIENE
Nanindigan ang Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK) na makatwiran lamang na maipasa ang panukalang isinusulong ng Kamara at Senado kaugnay ng makabuluhang pagtaas ng sahod na magbibigay ng kahit kaunting ginhawa sa milyun-milyong manggagawang Pilipino na ilang taon nang nagtitiis sa hirap ng buhay bunsod ng magkakasunod na krisis sa ekonomiya at pandemya.
“Anumang hakbang na magtataas sa sahod ng mga manggagawang Pilipino ay aming mahigpit na sinusuportahan lalo pa kung mailalapit nito ang minimum na sahod sa isinusulong nating family living wage, na batay sa kasalukuyang mga pag-aaral, ay nasa halagang P1,163,” ani Jacquiline Ruiz, tagapagsalita ng KMK.
Isa ang grupong KMK sa mga organisasyong sumuporta sa wage petitions na isinumite ng iba’t ibang labor unions at federations na nagbigay-daan sa P40 na dagdag-sahod sa National Capital Region (NCR).
Gayunpaman, iginigiit ng KMK na kulang na kulang pa rin ito lalo pa’t nagtataasan ang presyo ng mga bilihin.
Sa kabilang banda, binatikos ng KMK ang mga naging pahayag ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno na ang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa ay magreresulta ng pagtaas ng inflation sa bansa.
“Fake news ito! Sa katunayan, paborable sa ating ekonomiya ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa dahil magreresulta ito sa papalakas na purchasing power ng manggagawa at kanilang pamilya. Makakatulong ito para mabili ang mga produkto at gumulong ang ekonomiya ng bansa,” dagdag ni Ruiz.
Ikinadismaya rin ni Ruiz ang isa pang pahayag ni Diokno na ipapasa lamang diumano ng mga negosyante sa konsyumer ang dagdag-sahod.
Dagdag pa nito, tila mga ‘broker’ ng malalaking negosyo kung umasta ang ang mismong mga economic manager ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil tutol na tutol ito sa pagtataas ng sahod imbes na isulong nito interes ng manggagawa na bumubuo ng malaking bilang ng populasyon.
Ayon pa sa grupo, maliban sa pagpapatupad ng legislated wage increase, dapat gumawa rin ang gobyerno ng mga hakbang na magpapababa sa presyo ng mga bilihin.
“Merong magagawa ang gobyerno para kontrolin ang implasyon sa bansa kabilang na rito ang pagbasura sa VAT, excise tax sa langis at iba pang hindi makatwiran na mga buwis, at pagpapalakas ng lokal na agrikultura upang maging abot-kaya ang presyo ng pagkain,” ani Ruiz.
