Bagong modus operandi ng human traffickers nabuking ng BI

Ni NERIO AGUAS

Nabuking ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang bagong modus operandi ng human trafficking syndicate makaraang masagip ang isang babae na tinangkang ilusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ayon sa BI, nailigtas ang hindi pinangalanang biktima ng mga tauhan ng BI’s immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) habang sakay pa ng wheelchair bago pa makaalis ng bansa patungo sa Thailand sakay ng Philippine Airlines.

Sa pangalawang inspeksyon, napansin ng BI ang maraming hindi tugmang pahayag ng biktima kung saan sa huli ay inamin din nito na na-recruit ito para magtrabaho bilang isang household service worker sa Lebanon.

Inamin ng biktima na inutusan ito ng kanyang recruiter na magpanggap na nagkasakit para makagamit ng wheelchair at binilinan na burahin sa cell phone nito ang kanilang usapan.

Ayon sa biktima, pinangakuan ito ng kanyang recruiter na kapag hindi maaaprubahan ang kanyang Lebanon visa ay dadalhin na lamang ito sa Hong Kong para maghanap ng posibleng trabaho.

Dinala ang biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para matulungan at sampahan ng kaso ang kanyang recruiter.

Leave a comment