Proteksyon ng BPO workers iginiit ni Sen. Lapid

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ng isang senador na dapat na pangalagaan at bigyan ng sapat na proteksyon ang mga manggagawa sa Business Process Outsourcing (BPO) industry sa buong bansa.

Ayon kay Senador Lito Lapid mas lumawak at malaki na ang paglago ng mga BPO industry sa bansa sa nakalipas na dalawang dekada.

Dahil dito, inihain ni Lapid ang Senate Bill No. 2235 upang mabigyan ng naaayong suporta ang mga BPO workers sa bansa.

Aniya, ang Pilipinas ang lumilitaw na global leader sa BPO sector dahil sa kilala ang mga Pinoy na mahuhusay sa trabaho, magiliw at mas mababa ang pasahod kumpara sa developed countries sa abroad.

Sinabi pa ni Lapid na nakilala ang mga Pinoy sa buong mundo sa mataas na English proficiency level kaya mas pinipili ng BPO companies sa kanilang voice-based services, gaya ng customer support at tele marketing.

Inihayag pa ni Lapid na ang Pilipinas ay may 10-15% share sa global BPO market kung kaya’t tinatayang nasa $30 billion bawat taon ang naiaambag nito sa ekonomiya o katumbas ng halos siyam na porsiyento ng gross domestic product ng bansa.

Naitala aniya noong 2019 na mahigit sa 1.3 milyong Pinoy ang nagtatrabaho sa BPO industry at patuloy pa itong lumolobo sa 8 hanggang 10 porsiyento kada taon.

“Kahit na nagkaroon ng outbreak ng COVID-19 sa buong mundo, naging malaking tulong ang BPO industry sa pagbibigay ng trabaho at pagsulong ng ekonomiya ng bansa,” sabi nito.

Sa kabila nito, sinabi ni Lapid na hindi pa rin umano nabibigyan ng sapat na proteksyon at pangangalaga ang mga karapatan ng BPO workers, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng demands at nakapako sa results-oriented industry.

Nais ni Lapid na maitakda ang praktikal at pantay-pantay na patakaran sa BPO industry para mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga manggagawa at kapitalista nito.

“Kailangan natin na masiguro na may wastong pamantayan sa mga manggagawa sa BPO sector, kabilang na ang makataong pagtrato gayundin ang pagtiyak na may sapat na mga benepisyo, prebilihiyo at maaliwalas na working conditions sa mga kumpanya,” sabi nito.

Bukod dito, mahigpit din na ipinagbabawal sa panukalang batas ang “understaffing” o “overloading” sa pagbibigay ng sapat na “ratio of BPO worker to client quota” o di kaya “quantitative targets”.

Hirit din ni Lapid ang “regularization” ng BPO workers at patatagin ang karapatan nito sa “self-organization”, lumahok sa “democratic exercises” at iba pa.

Sakaling ganap na maging batas, maaaring patawan ng parusa ang sinumang tao o kumpanya na lalabag sa mga probisyon nito, tulad ng pagbabayad ng P100,000 o pagkabilanggo ng hindi bababa sa 2 taon at hindi lalagpas ng higit sa isang taon o depende sa hatol ng korte.

Leave a comment