
Ni NOEL ABUEL
Hindi naitago ni Senator Idol Raffy Tulfo ang pagkadismaya sa kabiguan ng Department of Migrant Workers (DMW) na magbigay ng tiyak na timeline hinggil sa pagpapalabas ng hindi pa nababayarang wages claims ng 10,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).
Sa isinagawang organizational meeting ng Congressional Oversight Committee on Migrant Workers, na pinamumunuan ni Tulfo, nag-followup ito tungkol sa naunang anunsyo ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople na ang pondong pambayad sa unpaid wage claim ng mga OFWs ay nasa Ministry of Finance na ng gobyerno ng Saudi.
Sinabi ni DMW Acting Sec. Bernard Olalia na nangako na si Crown Prince Mohammed bin Salman na malapit nang iproseso ng gobyerno ng Saudi ang mga hindi nabayarang claims ng mga manggagawa ngunit nabigo itong magbigay ng eksaktong petsa.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Eduardo de Vega na sa unang bahagi ng taong kasalukuyan ay hindi umano makatotohanang asahan ang pagbabayad ng nasabing mga claims anumang oras sa lalong madaling panahon.
Dahil dito, sinabi ni Tulfo sa DMW na itigil na ang pagbibigay ng “false hopes” sa mga OFWs sa pamamagitan ng maagang pag-anunsyo ng hindi na-verify na impormasyon sa media.
“Marami sa ating mga pobreng OFWs ang na-excite dahil dito pero hanggang ngayon ay wala pa ring perang sumasayad sa palad nila. Dapat ay magbigay kayo ng time frame,” ani Tulfo.
