
NI NOEL ABUEL
Nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang babae na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking at prostitution syndicate.
Ayon sa BI, naharang ng mga miyembro ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ang dalawang biktima na kinila lang sa mga pangalang “Ria” at “Ina”, pawang nasa 20-anyos hanggang 24-anyos, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Nabatid na ang dalawang biktima ay sumailalim sa primary inspection at sinabing sila ay magkasama sa trabaho at patungo sa Malaysia para magbakasyon.
Gayunpaman, napansin ng mga tauhan ng BI ang maraming hindi pagkakapare-pareho sa kanilang mga pahayag na nag-udyok para i-refer ang mga biktima para sa pangalawang inspeksyon.
Sa pangalawang inspeksyon, inamin ng mga biktima na sa Singapore ang kanilang huling destinasyon, at na-recruit ang mga ito para magtrabaho bilang entertainer na may suweldong PhP60,000.
Agad na dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktima para tulungan na sampahan ng kaso ang kanilang recruiters.
Sinabi pa ng BI na limang pangalan ang nalaman ng mga ito na sangkot sa human trafficking kung kaya’t ibinigay sa IACAT ang impormasyon para sa kaukulang imbestigasyon.
Una nang dinala ng BI sa IACAT ang kaso ng isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) na tinukoy ng mga awtoridad bilang illegal recruiter na nagtangkang lumipad patungong Singapore.
