
NI NOEL ABUEL
Iginiit ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) party list Rep. Margarita “Migs” Nograles ang pangangailangan para sa mabilis na pag-apruba sa mga panukalang palawakin ang franchise area ng Davao Light and Power Company (DLPC) sa walong lugar sa Davao del Norte at Davao de Oro upang sa wakas ay malutas ang mga problema sa enerhiya na nakagambala sa kabuhayan at kagalingan ng mga residente nito.
Nagpahayag ng kumpiyansa si Nograles na ang pagpapalawak ng prangkisa ng DLPC ay makakatanggap ng pag-endorso ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kahit na sa naunang pag-veto sa katulad na panukala dahil ito ay umano’y lumalabag sa umiiral na prangkisa ng Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO).
Binigyan-diin nito na ang bagong panukala ay malinaw na naglatag ng pangkalahatang pangangailangan na itaguyod ang kabutihang panlahat at protektahan ang pinakamahusay na interes ng mga tao sa pamamagitan ng pagtiyak ng pinabuting pag-access sa enerhiya para mas maraming komunidad at magpapaunlad ng ekonomiya.
Nanindigan si Nograles ang pangangailangang aprubahan ang bid ng DLPC na sakupin ang hindi bababa sa walong lugar sa hilagang Davao region at ipinunto nito na ang NORDECO ay hindi sumusunod sa mga tuntunin ng kanilang prangkisa bilang mandato ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na nagreresulta sa mataas na gastos sa kuryente at patuloy na pagkaputol ng kuryente na nagpapahirap sa buhay ng marami sa kanilang mga kliyente.
Kabilang sa walong lugar na ito ang Tagum City ang Island Garden City of Samal at ang mga munisipalidad ng Asuncion Kapalong, New Corella, San Isidro, at Talaingod sa Davao del Norte at ang munisipalidad ng Maco sa Davao de Oro.
Ayon pa kay Nograles, ang panukalang pagpapalawak ng prangkisa ng DLPC ay hindi dapat ituring na isang kapansanan sa prangkisa ng NORDECO.
Sinabi pa ni Nograles na ang Konstitusyon ay nagbigay sa Kongreso ng kapangyarihan na magbigay, baguhin o palitan ang mga umiiral na prangkisa upang maprotektahan ang interes ng publiko at itaguyod ang kabutihang panlahat.
“Hindi po ako galit sa Nordeco o sa mga cooperatives. Mandato lang po talaga ng Kongreso, trabaho po talaga naming na kapag may prangkisa, we can also amend or alter especially if the common good so requires,” ani Nograles sa nakalipas na pagdinig ng House Committee on Franchise na tumalakay sa mga panukalang palawigin ang prangkisa ng DLPC kabilang ang House Bill 6740 ng kongresista.
