OFW Ward sa regional hospitals isinulong ni Sen. Go

Ni NOEL ABUEL

Itinulak ni Senador Christopher “Bong” Go ang institutionalization ng Overseas Filipino Workers (OFWs) Hospital gayundin ang pagtatayo ng OFW ward sa mga ospital ng Department of Health (DOH).

Sa isang panayam noong Sabado, Agosto 19, matapos tulungan ang mga mahihirap na residente sa Olongapo City, Zambales, binigyan-diin ni Go ang pangangailangang i-maximize at tiyakin ang patuloy na operasyon ng OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga, isang pasilidad na nakatuon sa paglilingkod sa mga pangangailangan sa pangkalusugan ng mga OFWs at kanilang mga pamilya.

Ipinaalala ni Go, chairperson ng Senate Committee on Health, ang pangarap na magkaroon ng departamento para sa mga OFWs, na tinutukoy sila bilang mga modernong bayani ng bansa, at binigyan-diin ang malaking puhunan na ginawa sa ospital.

“Unang-una, nasasayangan po tayo dito sa OFW Hospital. Remember, we have more than 10 million Filipinos abroad, OFWs included. Sinikap nating magkaroon sila ng isang departamento. Ako po ang isa sa mga author at co-sponsor nito na naging batas na para itayo itong Department of Migrant Workers (DMW),” sabi ni Go.

“Kaya nalulungkot po ako at nasasayangan tayo kung hindi ito mapakinabangan, considering na malaki ang investment sa ospital na ito. Kailangan ma-maximize natin ang serbisyo po ng OFW Hospital,” dagdag pa ng mambabatas.

Upang matugunan ang isyung ito, inihain ni Go ang Senate Bill No. 2297, na naglalayong ma-institutionalize ang OFW Hospital at matiyak ang tuluy-tuloy na operasyon nito.

Ang panukalang batas ay naglalayon na mapabuti ang mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan para sa mga OFWs at kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kasalukuyang pasilidad at paglalaan ng mga kinakailangang pondo para sa pagpapanatili at operasyon nito.

Hinimok din nito ang DMW na tugunan kaagad ang anumang pagkukulang ng nasabing pasilidad.

Ang OFW Hospital, na donasyon sa provincial government ng Pampanga, ay nagsimula ang operasyon noong Mayo 2022.

Binubuo ito ng anim na palapag na maaaring mag-accomodate ng nasa 100 beds na magagamit ng mga OFWs at kanilang mga kaanak.

Bilang karagdagan sa kanyang pagsisikap na palakasin ang umiiral na OFW Hospital, ipinahayag din ni Go ang suporta nito sa panukala na nagkaroon din ng regional hospital.

Inihain din ni Go ang Senate Bill No. 2414, na nagtatag ng OFW wards sa mga ospital ng DOH.

Binanggit din nito na inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang DMW at ang DOH na talakayin ang posibilidad na ipatupad ang inisyatiba sa buong bansa.

“Bigyan po natin ng importansya ang ating mga OFWs. Sila po ang ating modern-day heroes. Malaki po ang kontribusyon nila sa ating bayan. Ano ba naman ‘yung OFW ward na ilagay natin sa mga ospital na dedicated po sa ating mga OFWs na mga kababayan natin na nagtatrabaho, nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya at para sa ating bayan?” paliwanag pa ni Go.

Leave a comment