
Ni NERIO AGUAS
Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang wanted na dayuhan na nagtatago sa bansa.
Kinilala ni Bureau of Immigration (BI) fugitive search unit (FSU) chief Rendel Ryan Sy ang nadakip na suspek na si Cezary Krynski, 48-anyos, isang Polish national.
Nabatid na armado ng mission order ang BI na nagsagawa ng operasyon kasama ang puwersa ng Philippine National Police (PNP) Intelligence Group, Regional Special Operations Group ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ng Philippine Center on Transnational Crime (PCTC), at Interpol NCB Manila para sa ikadarakip ng nasabing dayuhan.
Sinasabing humingi ng tulong ang Polish authorities sa PNP Intelligence Group para mahanap si Krynski na nagtatago sa bansa at may warrant of arrest na inilabas ng district court sa Bielsko-Biala sa kasong fraud, swindling, at forgery.
Natuklasan din na overstaying na rin si Krynski sa bansa maliban sa pagiging undesirable alien at kasalukuyang nasa BI jail facility sa Bicutan, Taguig habang inihahanda ang dokumento upang mapatapon ito pabalik ng kanyang bansa.
