
Ni NOEL ABUEL
Pinatawan ng contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang dalawang pulis-Navotas na sangkot sa pagpatay sa 17-anyos na binatilyo sa nasabing lungsod.
Sa pagdinig ng nasabing komite, iginiit ni Senador Risa Hontiveros at sinegundahan ni Senador Raffy Tulfo ang pagsasailalim sa contempt kina P/Capt. Mark Joseph Carpio, team leader ng anim na pulis-Navotas at PSSG Gerry Maliban, isa sa suspek na bumaril sa biktimang si Jemboy Baltazar.
Ayon kay Hontiveros, dahil sa magkakaibang pahayag ni Carpio, team leader ng kung ano ang tunay na dahilan at pangyayari sa pagbaril kay Jemboy kung kaya’t dapat na ipa-contempt ito.
Habang si Maliban naman ay nagmatigas na sumagot sa mga katanungan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at nina Hontiveros at Tulfo.
Sa pagdinig, bago ang krimen, sinabi ni Carpio na pinaghahanap nito ang isang Reynaldo Bolivar, 18-anyos na sangkot sa pagpatay sa isang Cristelo Mahinay kung kaya’t agad na nagsagawa ng operasyon.
Ayon kay Carpio, nakatanggap ito ng impormasyon na nasa gitna ng ilog ang suspek sakay ng kulay berdeng bangka kung kaya’t agad na nagsagawa ng operasyon kung saan nakita ang dalawang tao.
Ang mga ito ay si Jemboy at kaibigan nitong si Sonny Boy na noo’y naglilinis ng kanilang bangka sa ilog.
Sinabi ni Carpio na magkahawig umano si Jemboy at Bolivar kung kaya’t inakalang ang una ang hinahanap ng mga ito.
Giit ni Hontiveros, binaril si Jemboy ng isa sa mga pulis kung kaya’t nahulog sa tubig at kasunod nito ay pinaulanan ng bala ng M-16 at 9MM.
Nabunyag na ang M-16 ay pinaputok ni Sgt. Maliban na isa sa itinuturong dahilan ng pagkasawi ng binatilyo.
Nanindigan naman si Carpio na wala itong nakitang tumalon sa bangka at nag-iisa lamang si Sonny Boy sa bangka nang mangyari ang insidente.
Giit ni Hontiveros, papaanong nalaman ng mga pulis-Navotas na ang hinahanap ng mga itong suspek na si Bolivar ang nakita nito gayung si Jemboy at Sonny Boy ang nasa bangka at itinuloy ang pagpapaputok ng baril dahilan upang masawi ang binatilyo.
