
Ni NOEL ABUEL
Pinadadalo ng mga senador sa susunod na pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang mga employers ng inabuso at sinaktang kasambahay upang ipagtanggol ang sarili sa akusasyon laban sa mga ito.
Ayon kay Senador Francis Tolentino, chairman ng komite, sa susunod na linggo ay magsasagawa ng ikalawang pagdinig sa sinapit ng kasambahay na si Elvie Vergara sa kamay ng mga employers nito na nagsimula noong 2020 hanggang ngayong 2023.
Sinabi ni Tolentino na kung iisnabin ng pamilya nina Jerry at France Ruiz kasama ang mga anak, ang imbitasyon ng komite ay mapipilitang maglabas ng subpoena laban sa mga ito para piliting humarap sa pagdinig.
Sa panig naman ni Senador Jinggoy Estrada, iginiit nito ang pagpapalabas ng subpoena laban sa mag-asawang Ruiz at dalawang anak ng mga ito.
“I move that we subpoena the family of Jerry Ruiz, the wife France Ruiz, and the two children. I move, Mr. Chair,” sabi ni Estrada
Sa pagsisimula ng motu proprio investigation na isinagawa ng Senate Committee on Justice and Human Rights, humarap si Vergara upang isalaysay ang sinapit nito sa kamay ng kanyang mga employers na pananakit.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Vergara, na hindi na makakita ang dalawang mata, makailang beses itong sinaktan ng kanyang mga employers sa magkakahiwalay na pagkakataon sa loob ng tatlong taon.
Maliban sa pananakit ay hindi rin nakakatanggap ng sahod si Vergara at pinakakain lamang ito ng tira-tirang pagkain ng kanyang mga employers.
Ayon kay Tolentino, hindi dumalo sa pagdinig ang pamilya Ruiz dahil sa umano’y problema sa kalusugan.
Subalit kung makakaiwas aniya ang mga ito sa Senado ay hindi naman maisasantabi ng pamilya Ruiz ang kasong serious physical injuries, illegal detention, at paglabag sa Republic Act (RA) 10361, o ang Batas Kasambahay na isinampa sa Office of the City Prosecutor sa Batangas City.
Sinabi pa ni Tolentino na tutulong sa kaso ni Vergara ang tatlong abogado nito para masiguro na mapapanagot ang mga employers nito.
