
Ni NOEL ABUEL
Ikinalungkot ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ng ilang kongresista ang pagpanaw ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Maria Susana “Toots” V. Ople.
“Migrant workers, and workers in general, have just lost a great and tireless champion in Secretary Ople. She was the first secretary of the department Congress had created to focus on attending to the welfare of millions of overseas Filipino workers (OFWs),” ani Speaker Romualdez.
Sinabi ni Romualdez na nakilala si Ople sa kanyang masigasig na pagtataguyod sa kapakanan ng mga manggagawa kaya kinikilala ito hindi lamang ng mga labor group sa bansa kundi maging sa ibang bansa.
“She took up such advocacy from her father, the late Senate President Blas F. Ople, who was labor minister of President Ferdinand Marcos Sr. Father and daughter served under two Marcoses,” sabi pa nito.
Ayon sa lider ng 311 miyembro ng Kamara, matapos pumanaw ang ama ni Toots Ople ay ipinagpatuloy nito ang pagtulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at mga manggagawa sa bansa sa pamamagitan ng Blas F. Ople Center, ang tanggapan na itinayo ng kanyang tatay.
“Our thoughts and prayers go to Secretary Toots Ople’s family and loved ones at this most difficult time,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Lubos naman ang nagdadalamhati ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sa pagpanaw ni Ople.
Si Sec. Toots ay isang matibay na haligi ng adbokasiya sa pagprotekta sa ating mga OFWs. Bago pa man ang kanilang paninilbihan sa gobyerno, magkaagapay na sila ni Rep. Magsino sa laban sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga OFWs.

“Sa pagpanaw ni Sec. Toots, dala niya ang legasiya ng ilang dekadang pakikipagbaka para sa karapatan ng ating mga OFWs, ang tunay na malasakit para sa ating mga bagong bayani, at ang matatag na pamumuno sa DMW na naglatag ng mga polisiya at programang angkop sa pangangailangan ng ating mga migrante,” sabi pa ni Magsino.
“At sa pagpupugay sa naumpisahang laban ni Sec. Toots para sa ating mga OFWs, sisiguruhin ng OFW party list na maipagpatuloy ang mga hakbang sa polisiya na kanyang sinimulan. Patuloy na magiging gabay at inspirasyon namin ang integridad, kasipagan, at kabutihan na ipinakita ni Sec. Toots mula nang siya’y nasa NGO hanggang sa maging kauna-unahang Department Secretary ng DMW,” dagdag pa nito.
