4 Pinay na biktima ng human trafficking naharang sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Sadyang ayaw tumigil ng mga human trafficking syndicates at patuloy na nambibiktima ng mga Filipino na inaaalok na magtrabaho sa ibang bansa.

Ito ay matapos na apat na kababaihan ang nasagip makaraang tangkain na makalusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 para magtrabaho sa crypto scam hubs sa Cambodia.

Nabatid na ang apat na kababaihan na pawang nasa 20-anyos hanggang 30-anyos ay nagpakilalang mga magkakasama sa trabaho sa isang pharmaceutical company at nagsabing magbabakasyon sa Cambodia.

Ngunit nagduda ang immigration officers kung kaya’t agad na inimbestigahan kung saan nang usisain ay magkakaiba ang pahayag ng mga ito kung ano ang tunay na dahilan ng pagbiyahe ng mga ito.

Sa huli ay umamin ang mga biktima na magtatrabaho ang mga ito bilang work from home customer service representatives (CSR) sa isang online casino company.

Lumalabas na mismong ang local employers ng mga ito ang nagsaayos ng kanilang biyahe patungong Cambodia upang doon magtrabaho na may katumbas na sahod na $900 at libreng pagkain at akomodasyon.

“The victims admitted that their local employer arranged their trip to Cambodia for them to work as CSRs, with a monthly salary of 900 USD with free food and accommodation. This is a common modus of crypto scam hubs recruiting Filipinos to work abroad,” ayon sa BI.

Ang mga biktima ay dinala sa IACAT para matulungan at masampahan ng kaso ang kanilang recruiters.

Leave a comment