4Ps beneficiaries na nasa hustong gulang pag-aaralin

Ni NOEL ABUEL

Sa botong 236 inaprubahan ng Kamara ang panukalang batas upang mapag-aral at mabigyan ng kasabayan ang mga miyembro ng pamilya na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Aamiyendahan ng House Bill (HB) No. 8497 ang Republic Act (RA) No. 11310, o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program Act.

“4Ps is the national government’s flagship poverty reduction initiative. The bill amends Section 2 of RA No.11310 so that the law may promote education among adult male beneficiaries through alternative learning system, entrepreneurship training, and employment training to achieve sustainable development,” ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, lider ng 311 miyembro ng Kamara.

Upang mahikayat ang mga miyembro ng 4Ps na nasa hustong gulang na muling mag-aral, ito ay bibigyan ng community mobilization grant para mayroong magastos sa pamasahe at pagkain. Ang grant ay hindi bababa sa P500.

Sa ilalim ng panukala, ang mga benepisyaryo ng 4Ps na nasa hustong gulang ay maaaring pumasok sa Alternative Learning System (ALS) upang makatapos ng basic education, kumuha ng Entrepreneurship track ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para magkaroon ng kasanayan sa pagnenegosyo, o employment track ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang accredited organization para makaroon ng kasanayan at makapasok ng trabaho.

Ang pagpasok sa educational program ay gagawin sa ikalawang taon mula ng mag-umpisang makatanggap ng ayuda mula sa 4Ps.

Ang mga nakatapos ay bibigyan din ng prayoridad sa iba pang tulong na ibinibigay ng gobyerno gaya ng puhunan sa pagnenegosyo, pag-aayos ng mga dokumento para makapasok ng trabaho, at makapasok sa tertiary school kung nais pang ipagpatuloy ang pag-aaral.

Ilan sa may-akda ng panukala ay sina Reps. Wilbert Lee, Gus Tambunting, Eleanor Bulut-Begtang, Linabelle Ruth Villarica, Mikee Romero, Luz Mercado, Samuel Verzosa Jr., Jose Maria Zubiri Jr., Anna York Bondoc, Irene Gay Saulog, Edsel Galeos, Dante Garcia, Munir Arbison Jr., Sittie Aminah, Rosanna Vergara, JC Abalos, Joseph Stephen Paduano, Arlene Brosas, at Manuel Jose Dalipe.

Sa kasalukuyan ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay nakatatanggap ng P300 kada buwan sa loob ng 10 buwan kung mayroong miyembro ang pamilya na nag-aaral sa day care o elementarya; P500 kada buwan kung nasa junior high school; at P700 kada buwan kung nasa senior high school.

Leave a comment