

Ni NERIO AGUAS
Isinasaayos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng iba’t ibang aktibidad sa pagsasaayos ng mga kalsada patungo sa paliparan, mga hotel, at mga lugar ng paparating na FIBA World Cup (FIBAWC) 2023.
Sinabi ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, na base sa ulat kay DPWH National Capital Region Director Loreta M. Malaluan, na noon pang Hulyo, inatasan ang DPWH District Engineering Offices sa Metro Manila na magbigay ng suporta sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pamamagitan ng pagtiyak na ang itinalagang mga ruta ng FIBA ay nasa mabuting kalagayan.
Nabatid na ang DPWH ay bahagi ng Inter-Agency Task Force na responsable sa paghahanda, organization, at hosting ng FIBA Basketball World Cup 2023 na magsisimula sa Agosto 25 na magtatagal ng hanggang Setyembre10, 2023.
“We have conducted pothole operations ensuring national roads leading to event venues such as the Araneta Coliseum in Cubao, Quezon City and Mall of Asia Arena in Pasay City are well-maintained,” sabi ni Bonoan.
Idinagdag ni Bonoan na nagsagawa rin ng emergency road repairs sa mga bahagi ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) Carousel na nasira ng mga nagdaang bagyo at hanging habagat.
Upang maibsan ang trapiko sa panahon ng FIBA hosting ng bansa, ang DPWH road works sa NCR ay sususpendehin, maliban sa flagship projects at emergency road repairs.
