Korean fraudster arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Bumagsak na sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na wanted sa bansa nito at nagtatago sa bansa.

Kinilala ang nasabing dayuhan na si Son Sobeom, 33-anyos, na naaresto sa loob ng Camp Crame, Quezon City noong nakalipas na Agosto 20.

Ang pagdakip sa nasabing dayuhan ay isinagawa ng BI’s fugitive search unit sa tulong ng Korean authorities at ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group Anti-Transnational Crime Unit (PNP-CIDG-ATCU).

Sa record, si Son ay may warrant of deportation na inilabas ng BI noong 2017 dahil sa pagiging undesirable at undocumented alien.

Kinansela na rin ng Korean government ang pasaporte ni Son at may warrant of arrest laban dito na inilabas ng Suwon District Court noong 2016 dahil sa fraud sa paglabag sa Criminal Act of the Republic of Korea.

Miyembro umano ito ng telecom fraud syndicate na nagpapanggap bilang empleyado ng bangko.

Ang mga scammer ay mag-aalok ng mga pautang na mababa ang interes sa pamamagitan ng telepono o mga text message sa mga biktima.

Sinasabing ang panloloko ng sindikato ay nakatangay ang mga ito ng mahigit sa KRW 188 Million o halos P8 milyon mula sa kanilang mga biktimang Koreano.

Nananatiling nakakulong sa CIDG-ATCU’s facility si Son habang inihahanda ang pagpapatapon dito pabalik ng kanyang bansa.

Leave a comment