LPA binabantayan ng PAGASA

NI MJ SULLIVAN

Isang low pressure area (LPA) ang binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng susunod na bagyong papasok sa Philippine Area of Responsibility.

Base sa monitoring ng PAGASA, huling namataan ang LPA dakong alas-3:00 ng madaling-araw sa layong 570 km silangan ng Aparri, Cagayan.

Taglay nito ang lakas na hangin na nasa 45 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 55 km/h at kumikilos ng timog-kanluran sa bilis na 10 km/h.

Dahil dito, paiigtingin ng nasabing LPA ang hanging habagat na maaasahan pa rin sa buong Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ang Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kasamang pag-ulan, pagkulog-pagkidlat dahil sa epekto ng LPA na maaaring magdulot ng pagbaha at landslides.

Samantalang ang Visayas, Mindanao, Bicol Region, MIMAROPA, Zambales, Bataan at Quezon ay makakaranas din ng maulap na papawirin na may kasamang pag-ulan dahil sa epekto naman ng hanging habagat.

Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay magkakaroon ng maulap na papawirin at kalat-kalat na pag-ulan o pagkulog dahil sa epekto ng hanging habagat at localized thunderstorms.           

Leave a comment