PhilHealth officials noong 2022 komolekta ng malaking sahod at insentibo –COA

Ni NEILL ANTONIO

Aabot sa kabuuang P72.244 milyon ang kompensasyon na tinanggap ng mga top executives ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong 2022 na halos triple kung ikukumpara noong 2021 na nasa P26.202 milyon.

Ito ay isiniwalat sa 2022 Financial Statements ng PhilHealth na nakalakip sa annual audit report (AAR) sa state health insurance firm na inilabas ng Commission on Audit (COA) noong Agosto 4, 2023.

Sinasabing ang total compensation ng mataas na opisyales na P72.244M ay katumbas ng 175.72 porsiyento kung ikukumpara noong 2021.

Ang kopya ng audit report ay isinumite sa PhilHealth Board of Directors noong Hulyo 31, 2023. Ang electronic copies ng parehong ulat ay maaaring ma-access ng publiko sa opisyal na website ng COA.

Ang salaries at wages ng mga “key management personnel” ay nagpapakita na 172.7 percent year on year mula P26.2 milyon ay naging P71.45 milyon.

Noong 2022, nagbayad din ang ahensya ng terminal benefits sa kabuuang P794,063.

“The key management personnel refer to the executive team, with the rank of Senior Vice President up to PCEO (president and chief executive officer). These individuals have the authority and responsibility for planning, directing, and controlling the activities of the Corporation,” paliwanag ng audit team.

Ang bayad sa PhilHealth’s top officials ay kasama sa gastos ng Personnel Services na sakop ng salaries, allowances, bonuses, at iba pang benepisyo ng lahat ng tauhan ng ahensya.

Sa pagtatapos ng 2022, ang PhilHealth ay may kabuuang personnel complement na 6,275 na binubuo ng 2,645 regular employees at 3,630 na casual status.

At ang gastos sa Personnel Services ay nagpapakita na tumaas mula P4.277 bilyon noong 2021 ay naging P4.973 bilyon noong 2022.

Sa kabilang banda, ang iba pang operating expenses sa nasabing panahon ay nagpapakita na tumaas din mula P3.545 bilyon ay naging P4.254 bilyon.

Sa cross-checking sa kompensasyon ng mga PhilHealth officials sa loob ng dalawang taon mula 2021 at 2022 Reports on Salaries and Allowances (ROSA), ipinapakita na nagkaroon ng malaking dagdag sa pay checks ng mga top agency officials.

Noong 2021 si PhilHealth president at CEO Dante Gierran ay nakakolekta ng P2.102 milyon para sa basic salary sa loob ng 12 buwan o katumbas ng P175,000 kada buwan

Ang kabuuang kompensasyon nito ay nasa P4.45 milyon kabilang ang allowances, bonuses at iba pang insentibo.

Habang naglilingkod sa parehong puwesto sa loob lamang ng anim na buwan noong 2022, binayaran ito ng P3.531 milyon sa basic salary o mahigit P588,000 kada buwan. Binayaran ito ng P7.1 milyon para sa 2022.

Sa datos mula sa ROSA ay nagpakita na ang mga senior vice presidents (SVPs) ng PhilHealth ay nakita rin na ang kanilang mga basic salary ay tumaas ng 172 porsiyento mula sa mababa lamang na P140,000 kada buwan noong 2021 ay naging P380,000 kada buwan noong nakaraang taon.

Leave a comment