
Ni NERIO AGUAS
Napigilan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na makatakas at makalabas ng bansa ang isang Chinese national makaraang masabat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Kinilala ang nadakip na dayuhan na si Lyu Wulong, 32-anyos, na nagtangkang umalis ng bansa sa pamamagitan ng Xiamen air flight patungong Quanzhou, China.
Sinasabing muntik nang makalabas ng bansa si Lyu kung hindi lamang nakansela ang biyahe nito dahilan upang habulin ng BI at arestuhin.
Nabatid na si Lyu ay nasa Hold Departure Order (HDO) at may warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 108.
Agad na dinala si Lyu BI jail facility sa Bicutan, Taguig habang nakadetine at inihahanda ang papeles para sa pagpapatapon dito pabalik ng kanyang bansa.
Samantala, isang imbestigasyon ang isinasagawa ng BI kung papaano nakalusot sa primary inspection si Lyu sa kabila ng may active derogatory record ito.
“I have ordered our Border Control and Intelligence Unit to check the CCTVs and records to see how he was processed,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco.
Sinabi nito na tinitiyak na pananagutin ang sinumang BI personnel na nasa likod ng pagpapalusot kay Lyu.
