
Ni NOEL ABUEL
Ipinagtanggol ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla si dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa umano’y ipanangako nito sa China na tatanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
“Gusto ko lang pong ipaalam sa lahat na ang dating pangulo, siya po ay nagtanggol ng ating soberenya. Hindi po kailanman siya magiging traydor,” ani Padilla sa kanyang privilege speech sa plenaryo.
Aniya, lumalabas sa mga nakaraang araw ang mga tsismis patungkol sa mga dating pangulo na nagtraydor sa Pilipinas sa pamamagitan ng diumano’y pangako sa Tsina.
Una nang nagsalita si Senador Jinggoy Estrada para pabulaanan na ang ama niyang si dating Pangulong Joseph Estrada ang gumawa ng ganoong pangako, habang ipinagtanggol ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang sarili tungkol dito.
Iginiit na rin ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea na walang ginawang ganitong pangako si Duterte.
Ani Padilla, hindi ibebenta ni Duterte ang Pilipinas, lalo na’t sa panahon nito nagkaroon ng maraming assets ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).
“Gusto ko lang po ipaalam sa lahat na ang ating dating pangulo ay master sa geopolitics. At hindi po niya kailanman ibebenta ang Pilipinas. Katunayan sa panahon po niya nagkaroon tayo ng napakaraming assets po natin sa AFP maging himpapawid, karagatan, katihan, sa panahon po niya nagkaroon ng maraming assets ang Coast Guard,” paliwanag pa ni Padilla.
