
NI NOEL ABUEL
Pasado na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para magkaroon ng kinatawan ang mga Barangay Health Workers sa local health boards sa mga probinsya, bayan at munisipalidad sa buong bansa.
Ang House Bill (HB) No. 7447, na isinulong ni Quezon 1st District Rep. Wilfrido Mark M. Enverga, chairperson ng House Committee on Agriculture and Food, ay naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa pamamagitan ng 238 na pabor na pagboto sa panukala.
“The proposed law seeks to amend Section 102 (a) (1) (2) (3) and (b) (1) of Republic Act No. 7160, as amended, otherwise known as the Local Government Code of 1991,” ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, lider ng 311-miyembro ng Kamara.
“With this bill, we aim to strengthen local health boards by ensuring the representation of barangay health workers whom we continue to recognize as essential front liners in health promotion and advocacy,” aniya pa.
Kinilala rin ni Enverga ang dedikasyon at sakripisyo ng mga barangay health workers, upang maging matagumpay ang kampanya ng gobyerno laban sa mga sakit at pandemya.
“Hence, it is just appropriate that they become part of local health boards that serve as an advisory committee to the sanggunian concerned on health matters such as budget for public health purposes,” ani Enverga.
Nakapaloob din sa HB 7447 ang dagdag mandato ng local health boards na magpanukala ng insentibo o benepisyo para sa mga barangay health workers sa kani-kanilang lugar gayundin ang pagbibigay ng rekomendasyon sa mga usaping may kinalaman sa paglalan ng pondo para sa kalusugan.
