
Ni NOEL ABUEL
Nakikitang solusyon ni Senador Sherwin Gatchalian sa kakapusan ng silid-aralan ang pagpapalawak ng saklaw ng voucher system sa mga estudyante sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, tutugunan ng pinalawak na voucher system ang problema ng siksikan sa mga silid-aralan nang hindi naglalaan ng malaking pondo at panahon sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Sa kasalukuyan, saklaw ng voucher system ang mga mag-aaral ng senior high school sa pamamagitan ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP), ang programang nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong mag-aaral mula sa mga nakilahok na pribadong paaralan o non-Department of Education (DepEd) schools.
Natatanggap ng mga benepisyaryo ang tulong pinansyal sa pamamagitan ng mga vouchers.
Iminungkahi kamakailan ni Gatchalian ang pagpapalawak sa programa upang maging saklaw rin nito ang mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6.
“Kung maayos ang disenyo ng voucher system at maipapatupad ito ng maayos, hindi na kailangang magpatayo pa ng maraming mga silid-aralan. Pwedeng ibigay ang voucher sa mag-aaral, at maaari na siyang magpunta sa pinakamalapit na paaralang hindi siksikan. Maaari nating ilaan ang pondo para palawakin pa ang ating voucher system, lalo na sa mga urban areas, upang matugunan ang siksikan sa ating mga classroom,” pahayag ni Gatchalian,
Ayon pa sa senador, makakatulong ang programa sa mga pribadong paaralan upang makabawi mula sa pinsalang dulot ng COVID-19 pandemic.
Batay sa datos ng DepEd at ng Learner Information System, lumalabas na mula sa 4.3 milyong mag-aaral noong School Year (2019-2020), bumaba ang enrollment sa mga pribadong paaralan sa 3.62 million ngayong SY 2022-2023, o katumbas ng 16% porsyento.
Batay rin sa datos ng DepEd at ng 2023-2028 Philippine Development Plan (PDP), 32% (12,524) sa 39,186 na mga paaralan para sa Kindergarten hanggang Grade 6 ang mga may silid-aralang nagsisiksikan ang mga mag-aaral.
Apatnapu’t isang porsyento (4,208) sa mga 10,188 junior high school ang may congested classrooms, at 50% (3,737) naman para sa 7,520 senior high school.
Sinabi ni DepEd Assistant Secretary for Field Operations Francis Cesar Bringas, tinatayang 159,000 na silid-aralan ang kulang sa buong bansa, bagay na kinakailangan ng P397 bilyong pondo.
Sa ilalim ng panukalang 2024 national budget, P10 bilyon lamang ang nakalaan sa DepEd para sa pagpapatayo ng 7,100 na mga silid-aralan.
